Naghain ng panibagong petisyon sa Korte Suprema ang ilang personalidad na kumukuwestiyon sa P2.6 trillion national budget o 2015 General Appropriations Act.
Inihain nina dating Biliran Rep. Glenn Chiong, Manuelito Luna (tax payer), Aristarchus Lamarck Luna (college student) at Samahang Magbabasura Inc. ang nasabing petisyon.
Sa 69-pahinang petisyon, hiniling ng grupo na ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang 2015 GAA at pigilan ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng writ of prohibition at preliminary injunction.
Partikular na kinuwestiyon ang legalidad ng lump sum at discretionary funds na aabot sa mahigit P1 trilyon at bumubuo sa halos 50 porsiyento ng pambansang pondo.
Kasama sa lump sum appropriations na kanilang tinutukoy ay ang P2 billion contingent fund; P1 bilyon inilaan para sa programang rehabilitasyon; P31.1 bilyong alokasyon para sa mga lokal na pamahalaan; P7.4 billion international commitment fund; P118.1 billion miscellaneous personnel benefits fund; P140.6 billion pension and gratuity fund; at P372.9 billion debt service fund.
Kinuwestiyon din nila ang P47 bilyon na umano’y legislators’ insertion na kanilang itinuturing na “pork barrel” fund.
Naniniwala rin ang mga petitioner na inabuso ng Ehekutibo at Lehislatibong sangay ng gobyerno sa paghahanda at pag-apruba ng national budget para sa 2015.