Kung si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang tatanungin tungkol sa kanyang New Year’s resolution, nais niyang baguhin ang imahe ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP); mula sa pagiging “pulis-patola” sa “pulis-panalo.”

“Hindi na puwede ang bara-bara, kanya-kanya at ningas-cogon. We need a programmatic, deliberate and sustained approach in fighting crime,” pahayag ni Roxas.

Simula pa noong Nobyembre ay inilatag na ni Roxas ang kanyang mga bagong kampanya para sa PNP, tulad ng pagpapalawak sa Oplan Lambat-Sibat sa ibang lalawigan bunsod ng matagumpay na pagpapatupad nito sa Metro Manila.

Ang OPLAN (Operational Plan) Lambat-Sibat ay pinaigting na kampanya laban sa krimen na kinabibilangan ng pagpapakabit ng PNP ng mga CCTV camera hindi lang sa bawat istasyon ng pulisya ngunit maging sa mahigit sa 100 crime-prone area sa Metro Manila.

National

VP Sara, humingi ng pasensya sa mga ‘nai-stress’ sa kaniyang sitwasyon

Sa Marso, gagamit na ang PNP ng digitalized crime incident reporting sa pamamagitan ng modernong incident record form (IRF) sa bawat presinto sa Metro Manila bilang kapalit ng makalumang blotter system upang makuha ang tamang datos ng kriminalidad sa bawat lugar.

“Ang IRF ang magsisilbing resibo ng complainant kung saan nakasaad ang reference number upang masubaybayan ang mga hakbang na ginawa ng pulisya sa pagresolba sa isang krimen,” paliwanag ni Roxas.

Sa kalagitnaan ng 2015, bibili rin ang PNP ng karagdagang 1,000 bagong patrol vehicle, mahigit 5,000 baril at 52,000 transceiver radio.

“We want our men and women in blue to ‘move, shoot, and talk’ better so they can combat crime more effectively,” dagdag ng kalihim. - Aaron Recuenco