Sinampahan na ng kasong murder sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang driver ng Asian utility vehicle (AUV) na kumaladkad at nakapatay kamakailan sa isang traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Quezon City.

Mula sa kasong reckless imprudence resulting to serious physical injury, ginawang murder ang kaso laban kay Mark Ian Libunao matapos masawi ang traffic constable na si Sonny Acosta sa isang ospital noong Disyembre 23.

Hindi rin pinayagan ni QC Assistant City Prosecutor Corazon Romano na makapagpiyansa si Libunao, na nadiskubre rin ng awtoridad na nagmamaneho kahit paso na ang driver’s license nang mangyari ang insidente noong Disyembre 19.

Magugunitang sinita ni Acosta si Libunao nang pumasok sa yellow lane na eksklusibo sa mga pampasaherong bus.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Dahil dito, pumalag ang driver at pinaandar ang AUV kaya nakaladkad ang enforcer ng halos 15 metro, dahilan upang bumagsak ito sa kalsada at mabagok ang ulo.

Sa nakalipas na mga linggo ay patuloy na iginigiit ni Libunao na hindi niya sinadyang saktan ang biktima kahit na may mga nakasaksi sa insidente nang isinara niya ang bintana ng sasakyan at naipit ang braso ni Acosta bago ito nakaladkad.