IDINARAOS ang National Banking Week nitong Enero 1-7, alinsunod sa Proclamation No. 2250 na may petsang Disyembre 10, 1982, upang magpokus sa mahalagang tungkulin ng industriya ng pagbabangko sa buhay ng mga Pilipino, sa ekonomiya, at sa bansa sa kabuuan.

Ang tema para ngayong taon na “Sa Pagbabangko ng Mamamayan, Pag-unlad ay Makakamtan” ay lumilikha ng kamalayan at pagpapahalaga ng pagbabangko at ang mga inaambag nito sa pambansang kaunlaran. Ang advertising, window and counter displays, streamers, give-aways, at mga programa ay pinangungunahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na sinusuportahan ng Rural Bankers Association of the Philippines, ng mga pambansang ahensiya, at ng banking sector. Ang BSP, na nilikha sa bisa ng Republic Act (RA) 7653, noong Hulyo 3, 1993, ay nagpapatupad ng mga polisiya at pinoprotektahan ang mga kliyente at mga deposito nito, sa pakikipag- agapayan sa industriya sa pagsisikap na itaas ang kahusayan ng pagbabangko. Pinalalago ng mga bangko ang inimpok na salapi ng mga depositor sa pagbibigay ng interes; maginhawa at madali ang kaloob nilang pautang. Protektado ang deposito sa seguro ng Philippine Deposit Insurance Corporation, na nilikha sa bisa ng RA 3591 noong 1963 na kumikilos sa ilalim ng Department of Finance.

Isang malaking paghamon ang hinaharap ng mga bangko sa Pilipinas bilang paghahanda sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 2015 economic integration, habang naghahanda ang mga bangko sa 10-nation bloc para sa pagbubukas ng mga merkado. Agresibong nagpapalawak ang mga lokal na bangko upang harapin ang mga paghamon at mga oportunidad ng regional banking integration. Mandato ng ASEAN Banking Integration Framework ang patas na mga oportunidad para sa mga bangko ng Southeast Asia sa loob ng rehiyon pagsapit ng 2020.

Ang Pilipinas, na isang founding member ng ASEAN, ay umaasa na ang integration na ito ay hahantong sa mas malawak na oportunidad sa merkado, at lilikha ng mas maraming kompetisyon. Isang kongkretong reporma na maghahanda sa Pilipinas para sa ASEAN integration ay ang RA 10641, na naging epektibo noong Agosto 7, 2014, na naglalayong magtatag ng mas matibay na industriya ng pagbabangko sa pamamagitan ng pagluluwag ng pagpasok ng mga banyagang bangko sa bansa at pagpaparami ng mga sangay nito sa lima.

Metro

Mandaluyong, nakamit ang 100% rating sa child-friendly local governance audit

Ang banking system ng bansa ay mas inclusive kaysa nagdaang mga taon, ayon sa BSP. Base sa datos ng 2014, ang kabuuang mga sangay ng lahat ng bangko at ng automated teller machines nito ay dumami sa buong bansa ng 4% at 15% ayon sa pagkakasunod. Sa huling dalawang taon, tumaas ang bank deposits ng 9%, sumasagisag sa apat na milyong bagong account mula 2012. Ang maliliit na depositor ay sumasaklaw ng 75% ng kabuuang bilang ng bank deposits. Ang bilang ng unbanked municipalities ay bumaba sa 604 mula 611 dahil sa pagbubukas ng iba pang banking offices at micro banking offices na pag-aari ng iba’t ibang bangko.