Enero 6, 1838 nang unang ginamit ni Samuel Morse (1791-1872) ang inimbento niyang telegraph sa Speedwell Iron Works sa Morristown, New Jersey.
Gumamit ang telegraph ng kuryente upang magpadala ng mga mensaheng encoded sa tulong ng wire, noon ay isang breakthrough sa pangmalayuang komunikasyon. Gumamit ito ng Morse Code, na nag-encode ng mga letra at numero sa pamamagitan ng mga dash at tuldok. Sumikat ang nasabing device noong 1920s at 1930s.
Taong 1832 nang nagka-ideya si Morse sa electric telegraph matapos malaman ang tungkol sa electromagnetic technology. Kasama ang mga partner niyang sina Leonard Gale at Alfred Vail, gumawa si Morse ng mga telegraph prototype sa loob ng maraming taon. Noong 1843, matagumpay na nahimok ni Morse ang U.S. Congress na maglabas ng pondo para sa unang telegraph line sa Amerika, na mula sa Washington D.C. hanggang sa Baltimore, Maryland.
“What hath God wrought!” ang unang mensahe ni Morse sa telegram, na ipinadala noong Mayo 1844. Ang unang permanenteng telegraph line sa Atlantic Ocean ay naikabit noong 1866.