Ipinag-utos ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa militar at pulisya na makipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) sa pagtiyak na magiging mapayapa at tapat ang Sangguniang Kabataan (SK) elections sa susunod na buwan.

Ipinalabas ng Pangulo ang Memorandum Order No. 76, alinsunod sa Comelec Resolution No. 9905, na nagtatalaga sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang law enforcement agency kaugnay ng seguridad sa isasagawang SK special polls sa Pebrero 21.

Nilagdaan nitong Disyembre 15, 2014, hangad ni Aquino na maging “free, orderly, honest, peaceful, and credible” ang eleksiyon ng Sangguniang Kabataan.

“The foregoing law enforcement and other concerned agencies are hereby directed to coordinate and cooperate with the Comelec in the performance of their duties and functions,” saad sa memorandum order.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Alinsunod ng Konstitusyon, binigyan ng kapangyarihan ang Comelec, katuwang ang Pangulo at mga law enforcement agency, na tiyakin ang kaayusan sa halalan.

Ang SK elections ay orihinal na itinakda noong Oktubre 28, 2013 pero ipinagpaliban ito ni Pangulong Aquino upang mabigyan ng sapat na panahon ang Kongreso na lumikha at magpasa ng mga batas kaugnay ng reporma sa SK system.

Sa huli nitong Resolution No. 9905, itinakda ng Comelec ang special SK polls sa Pebrero 21, 2015.

Magsisimula ang election period sa Enero 22 hanggang sa Marso 2, 2015. Ang paghahain ng kandidatura ay itinakda sa Pebrero 7, 9 at 10, habang ang pangangampanya ay hanggang Pebrero 11-19. Maghahalal ang mga botante ng isang SK chairman at pitong SK kagawad sa Pebrero 21.

Mataandaang hiniling ng Comelec sa Kongreso na magpasa ng batas na muling magpapaliban sa SK polls upang makatipid ang gobyerno. Iginiit ng komisyon na mas praktikal kung isasabay ang SK elections sa paghahalal ng mga opisyal ng barangay sa Oktubre 2016. - Genalyn D. Kabiling