TAIPEI (AFP)— Pinalaya sa kulungan ang may sakit na dating lider ng Taiwan na si Chen Shui-bian sa ilalim ng medical parole noong Lunes, matapos magsilbi ng anim na taon dahil sa korupsiyon kaugnay sa kanyang panguluhan.
Si Chen, 64, na namuno sa Taiwan mula 2000 hanggang 2008, ay nakatakdang palalayain mula sa ospital ng kulungan kahapon ng tanghali dahil sa kanyang “medical condition”, sinabi ni deputy justice minister Chen Ming-tang, ngunit sasailalim sa buwanang pagsusuri ng kanyang kalusugan.
Si Chen ay hinatulan ng habambuhay noong 2009 kaugnay sa money-laundering at bribery – ngunit ibinaba ang kanyang sentensiya sa 20 taon matapos ang mga apela. Inilipat siya sa isang ospital ng kulungan noong Abril 2014 matapos masuring may severe depression, hinalang may Parkinson’s disease at iba pang kondisyon. Nagtangka siyang mapatiwakal noong Hunyo sa pagbigti gamit ang tuwalya sa palikuran ng prison hospital.