Mapasakamay ang unang gintong medalya sa triathlon event ang target ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) sa pagsabak sa 28th Southeast Asian Games na gaganapin sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Ito ang minamataan ni TRAP president at Phililippine Olympic Committee (POC) chairman Tomas Carrasco Jr. kung saan ay nakatuon ang asosasyon sa tig-isang ginto at pilak at kung susuwertihin pa ay tig-dalawang ginto at pilak ang mahahablot.

“In 2007 Pattaya SEA Games, we won 1 gold and 2 bronze in duathlon plus 2 silver and 1 bronze in triathlon,” sinabi ni Carrasco na umaasang makukubra ang pinakamaraming gintong medalya ngayong taon sa paglahok sa kada dalawang taong torneo.

Pinagbasehan ni Carrasco ang 7th place finish ni Ma. Claire Adorna sa 2 oras, 9 minuto at 5 segundong pagtatapos at 9th place ni Marion Kim Mangrobang (2:13:18) sa 15 kalahok sa kababaihan kaya’t umaasa itong makakamit ng asosasyon sa tinaguriang “The Lion City”.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Dagdag pa ang 10th-11th place nina Jonard Saim (1:59:00) at Nikko Huelgas (1:59:17) sa kabuuang 23 sumabak sa 17th Asian Games Games triathlon (Olympic distance) noong Setyembre 25 sa Incheon, Korea.

Nagsumite rin ng magandang oras sa 4th Asian Beach Games triathlon (sprint distance) noong Nobyembre 15-17 sa Phuket, Thailand ang koponan kung saan ay ika-10 si Mangrobang sa 24 sumabak kung saan ay naorasan ito ng 1:08:01 oras samantalang ika-15 sa 38 kalahok si Huelgas sa 59:24.

Tinalo nina Adorna at Mangrobang at nina Saim at Huelgas, base sa kanilang mga pagtatapos, ang mga karibal na mula sa Southeast Asia na Thailand sa Incheon Asiad. Nagwagi rin si Mangrobang sa mga kalaban sa Timog-Silangang Asya na Singapore, Malaysia, Thais, Myanmar at Indonesia sa Phuket ABG, samantalang umangat si Huelgas sa kalabang Indonesians, Malaysians, Singaporeans, Thais at Myanmar.

“We’re very optimistic sa Singapore SEA Games with minimum tig-isang gold at silver kung suswertihin tig-two golds at silvers sa maximum,” sabi ni Carrasco, senior vice president ng Asian Triathlon Confederation (ASTC) at Asian regional representative sa International Triathlon Union (ITU).

Plano ng TRAP na isailalim ang triathletes sa tatlong buwang high performance training sa Portugal simula sa buwang ito hanggang Marso o Pebrero-Mayo patungo sa SEA Games triathlon sa June 6-7 at sa Asian Triathlon Championships sa Hulyo 11-14 sa Taiwan.

Nakatuon din ang asosasyon sa 22nd Subic Bay International Triathlon (SUBIT) sa Abril sa Zambales.