MASAYANG ibinahagi ng Brazilian-Japanese model na si Daniel Matsunaga ang pagkakaroon niya ng papeles para sa kanyang permanent residency sa bansa.
Kung noong una’y maingay ang unconfirmed reports na si Kris Aquino ang tumulong sa pagpo-process ng kanyang papeles, may sariling kuwento naman si Daniel kung paano niya pinagsikapang maging permanenteng mamamayan sa Pilipinas.
Pahayag ni Daniel, pinagtrabahuhan niya sa Immigration ang biyayang kanyang nakamit.
“The Commissioner got me na mag-judge sa isang pageant sa party nila,” aniya.
Marami raw taga-BI ang nakakilala at natutuwa sa kanya noong napapanood pa siya sa sa Pinoy Big Brother. Alam din ng taga-Immigration ang determination niyang magpatuloy sa kanyang trabaho sa showbiz kaya’t isa ito sa tinitingnang dahilan kung bakit inapruban ang kanyang kahilingang maging isang Pinoy.
“Natutuwa sila sa lahat ng ginagawa ko sa Bahay ni Kuya. The commissioner offered me the papers (na makapagtrabaho ng permanente) and gave me the opportunity with the papers. I’m more than five years here also,” paliwanag ni Daniel.
Ibinahagi rin ni Daniel ang hirap na kanyang pinagdaanan noong bago pa lamang siya sa Maynila.
“Everything I did, hanggang ngayon. Mahirap siya, andaming pinagdaanang process, kailangang matuto ka. Lalo pa sa akin kasi foreigner ako. Learning Tagalog ang isa sa pinakamahirap sa akin. I’m really trying my best, there’s always walls trying to stop you from your dreams pero you just have to face your problems and be objective in your life,” aniya.
Kaya gusto niyang ma-perfect ang pagsasalita sa Tagalog dahil nais niyang marating ang kanyang dream sa taong ito, ang maging mahusay na aktor.
“Gusto kong maging leading man sa mga movies and soap operas this 2015. Gusto ko ring mag-improve sa music, sa guitar, everything. I’m trying to adjust sa showbiz, it’s something I really want talaga. That’s why I’m trying my best.”
Hinahanapan na raw siya ng magiging leading lady sa susunod niyang offers. Hindi siya namimili kung sino ang gustong ipareha sa kanya.
“Kahit sino, okay ako. I’m sure I’m gonna learn a lot sa lahat ng shows and movies ko ngayon,” sey ni Daniel.