DAHIL sa usad-pagong na pagbusisi sa Bangsamoro Basic Law (BBL), lalong umigting ang mga paghahangad na palawakin ang mga peace talks o pangkapayapaang pag-uusap ng iba’t ibang grupo ng mga rebelde. Kaliwa’t kanan pa at tila tumitindi ang paghahasik ng mga ito sa halos lahat ng sulok ng kapuluan. Ang BBL na kasalukuyan pang pinatatawing-tawing sa Kongreso ay kalipunan ng mga regulasyon na ipatutupad sa Muslim areas bilang bahagi ng paghahanap ng pangmatagalang kapayapaan sa naturang rehiyon na matagal nang ginigiyagis ng kaguluhan. Palalawakin ang naturang rehiyon sa hangaring masakop hindi lamang ang mismong mga Muslim kundi maging ang mga Kristiyano na matagal na ring nandayuhan sa Mindanao. Pangungunahan ito ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Subalit hindi gaanong naging katanggap-tanggap ang naturang mga pagsisikap upang pag-isahin ang mga Muslim. Ang iba’t ibang grupo ng mga Muslim rebels ay patuloy na naglulunsad ng mga karahasan na malimit na humahantong sa kamatayan. Ang Moro National Liberation Front (MNLF), halimbawa, ay nananatiling nasa labas ng bakod, wika nga, ng binubuong Bangsamoro Islamic Region na magiging kahalili ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Bunga nito, hindi humuhupa ang mga panggugulo ng mismong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF); bukod pa sa patuloy pa ring pananampalasan ng mga miyembro ng Abu Sayaff Group (ASG). Mabuti na lamang at sa pagpasok ng 2015, napipinto ang pagpapaigting ng peace talk naman sa pagitan ng gobyerno at ng CPP/NDF (Communist Party of the Philippines/National Liberation Front). Ang magkabilang grupo ay kapuwa nagpahayag ng katapatan sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan na uminit-lumamig dahil nga marahil sa iba’t ibang isyu na tulad ng pulitika at ideolohiya. Inaasahan na magbibigay-wakas ito sa paghahasik ng karahasan ng New Peoples Army (NPA) – ang armed component ng CPP/NDF. Tulad ng mga nagaganap, ang naturang grupo na laganap sa buong kapuluan ay malimit na napapasabak sa mga security forces ng pamahalaan.

Sa totohanang pagsusulong ng naturang mga peace talks, asahan ang pagsilang ng katahimikan; maiiwasan na rin ang pagpapatayan ng magkakapatid na Pilipino.
National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!