Robin-Padilla

NAPANOOD namin ang Bonifacio noong Bagong Taon (Enero 1) sa Gateway Cinemaplex at hindi na nga mahaba ang pila tulad ng mga nagdaang araw kaya wala kaming nakitang sold out sa pitong pelikulang entry sa 2014 Metro Manila Film Festival.

“Walang nag-sold out ngayong araw (Enero 1), pero halos puno rin ang dalawang sinehan ng Praybeyt Benjamin at Feng Shui,” kuwento sa amin ng mga takilyera. “‘Yung kay Vic Sotto po, humina na, sobrang lakas bigla nu’ng English Only Please. ‘Yung Shake (Rattle and Roll) kalahati lang, minsan lumalampas, ‘yung Magnum (Muslim .357), pailan-ilan lang po, mas pinapasok pa ‘yung Bonifacio.”

Totoo nga, iilan lang kaming nanood sa Bonifacio: Ang Unang Pangulo ni Robin Padilla nang gabing iyon sa Cinema 7 kaya naman ginaw na ginaw kami.

Pagdagsa ng mga pasahero sa PITX, inaasahang papalo ng 3 milyon ngayong holiday season!

Nakakapanghinayang na hindi ito tinatangkilik ng movie going public gayong marami tayong malalaman kung ano talaga ang nangyari kay Andres Bonifacio at kung paano siya trinaydor.

Loaded ang Bonifacio pero parang nabitin pa rin kami sa istorya dahil maikli, nag-umpisa ng 10 PM at natapos ng 11:20. Ibig sabihin, isang oras at beinte minutos lang ang pelikula?  Kung hindi kami nagkakamali ay nabanggit dati ni Robin na masyadong mahaba ang pelikula nila at may ii-edit lang daw dahil ‘pag hindi ginawa ay baka abutin ng apat na oras ang pelikula.

Mukhang napasarap yata sa pag-edit ang film editor ng dahil sumobrang iksi naman kaya nakulangan kami sa ibang detalye na napanood naman namin dati sa version na ginawa ni Konsehal Alfred Vargas, ang Supremo na idinirek ni Richard Somes na ipinalabas noong Disyembre 5, 2012.

Parang hindi namin natandaan ang karakter ni Emilio Jacinto bilang kakampi at tagapayo ni Robin bilang Supremo, si Apolinario Mabini ba bagong abogado pa lang, Macario Sakay na kaalyansa ni Bonifacio, Melchora Aquino na minsan lang ipinakita sa pelikula nang bigyan niya ng gulok si Andres, hinanap namin ang eksenang tinutulungan niya ang mga sugatang katipunero, pinakain at kinupkop sa bahay niya.

Pero sabi nga, kanya-kanyang research at doon nagkatalo kung paano ito iprinisinta sa pelikula.

Mahusay si Robin sa Bonifacio, Unang Pangulo at puwedeng manalo rin sana siya ng best actor, pero nasilat siya ni Derek Ramsay sa English Only, Please na kung ihahambing ay napakagaan ang ginawa kumpara kay Binoe, kaya siguro maraming nagpoprotestang supporters ng action star.

Samantala, hindi naman kami pabor sa sinasabi ng ilan na itong Bonifacio, Unang Pangulo ang pinakamagandang pelikula ni Robin at pinakamahusay niyang pagganap na puwede na rin daw siyang magretiro dahil nakagawa na siya ng legacy sa buong showbiz career niya.

Magaling si Robin, pero hindi ito ang pinakamahusay niyang pagkakaganap dahil maraming pelikula siyang nagawa na mahusay siya tulad ng 10,000 Hours na ipinalabas noong 2013 MMFF at hinakot niya halos lahat ng awards.

Mas nagustuhan din namin ang aktor sa unang rom-com movie nila ni Regine Velasquez na talagang maraming nagkagusto dahil kakaibang Robin Padilla ang napanood.

Anyway, mapanood sana ang Bonifacio, Unang Pangulo ng maraming Pilipino lalo na at mga estudyante para malaman nila kung sino ang pinagkakautangan natin ng kalayaang tinatamasa natin ngayon at nang maliwanagan din sila o magkaroon sila ng ideya kung ano talaga ang nangyari sa buhay ni Andres Bonifacio bukod pa sa natutuhan nila sa eskuwelahan.

May tanong lang kami, Bossing DMB, nanalong Best Picture ang Bonifacio, Unang Pangulo, bakit hindi nanalong Best Director si Enzo Williams?  Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit kinukuwestiyon ang jurors ng MMFF?

(Maganda rin sanang mga ordinaryong tao ang kinukuhang jurors para nalalaman natin ang taste ng mga kababayan natin, pero hindi talaga maaasahan ang logical na resulta. Kaya dapat siguro may kasama pa rin silang industry experts para naiiwasan ang mga protesta tuwing MMFF. --DMB)