NANG salantain ng super bagyong ‘Yolanda’ ang Pilipinas noong Nobyembre 2013, hinarap natin ang phenomenon na hindi pa natin nararanasan noon—ang storm surge o delubyo.

Noon, ang mga kalamidad sa Pilipinas ay kinaklasipika lamang batay sa lakas ng hangin at nagpapalabas ng warning signals base rito. Ipinalalabas ang storm warning signal No. 1 sa bagyo na may lakas ng hangin na 30-60 kilometers per hour (kph); signal No. 2 sa 60-100kph na hangin; signal No. 3 sa 100-185kph na hangin; at signal No. 4 sa may mahigit 185kph na hangin.

Sinimulan na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagpapalabas ng rainfall warning bukod pa sa babala sa lakas ng hangin. Ito ay matapos na ang ulan na dulot ng habagat ay magdulot ng matinding baha at pinsala kahit wala namang bagyo.

Habang papalapit ang Yolanda sa bansa noong 2013, naghanda ang mamamayan ng Eastern at Central Visayas sa malakas nitong hangin at ulan, tiwalang makakayanan nila ito gaya sa mga nakalipas na kalamidad. Pero iba ang bantang hatid ng Yolanda—ang delubyo. Dahil sa napakalakas na hangin, tumaas ang dagat at nilamon ang lupa, rumagasang gaya ng tsunami, winasak ang maraming komunidad at tinangay ang libu-libong tao sa pagbalik ng dambuhalang alon sa dagat.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Makalipas ang isang taon, noong nakaraang buwan, nang manalasa ang ‘Ruby’, ay mas handa na ang mamamayan at kakaunti lang ang nasawi—27 na lang, kumpara sa mahigit 6,193 na namatay at 1,061 nawawala sa Yolanda.

Noong nakaraang linggo, inakala ng mga tao na handa na sila sa pangkaraniwan na ngayon na napakalakas na hangin at matinding baha na idudulot ng bagyong ‘Seniang’. Sa pagkakataong ito, bukod sa karaniwang baha at hangin, may 12 pagguho ng lupa na nagdulot ng maraming pagkamatay. Dalawang landslide ang pumatay sa 19 na katao makaraan nitong ilibing ang isang komunidad sa Catbalogan City sa Samar. Dalawa pang pagguho ng lupa ang pumatay din sa siyam na katao sa Leyte.

Posibleng pinatindi ng climate change ang pananalasa ng mga bagyo at buhos ng ulan kaya naman naging mas mapanganib ang mga ito kaysa rati. Napaulat din ang matitinding klima sa iba pang panig ng mundo. Mga baha, snow storms at sobrang lamig na panahon ang puminsala sa maraming lugar na hindi nakararanas nito noon.

Patuloy tayong makararanas ng karaniwang 20 bagyo bawat taon na mananalasa mula sa Pasipiko pero mas may babala na tayo ngayon hindi lang laban sa malalakas na hangin at matinding ulan kundi maging sa pagguho ng lupa. Marahil dahil sa pagkawala ng malaking bahagi ng kagubatan, isa na ngayong malaking banta sa maraming komunidad ang pagguho ng lupa. Nakikita ng mga pamahalaang lokal ang pangangailangang magpatayo ng mga istrukturang nagbibigay ng proteksiyon o kaya naman ay ilipat ang mga nanganganib na komunidad sa mas ligtas na lugar.