Nina RACHEL JOYCE BURCE, FRANCIS WAKEFIELD, BELLA GAMOTEA at ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN

Fires-2015-223x300Sa pagsalubong sa Bagong Taon, bilyong pisong halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy sa may 14 na sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong Miyerkules ng gabi hanggang kahapon ng umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa Maynila, isang pitong-taong gulang na bata ang namatay sa sunog sa isang residential area sa Malate dakong 2:00 ng umaga kahapon.

Kinilala ni SFO4 John Joseph Jalique ang nasawi na si Will Andrei del Rosario habang sugatan naman sina Jomar Saulog, 31; at Ryugi Tanaka, 22.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Mahigit 20 pamilya ang nawalan ng tahanan sa insidente, ayon pa sa ulat.

Sa Quezon City, dalawang katao ang nasugatan matapos masunog ang mahigit 800 bahay na pinaniniwalaang dahil sa sinindihang kuwitis ng ilang pasaway na pumasok sa bahay ng isang Inday Lopez sa Tuktukan Street sa Barangay Apolonio, dakong 6:43 ng umaga.

Kabilang sa mga nasugatan sa sunog sina Fire Aide Paul Manuel, na naputulan ng daliri sa kanang kamay; at Rommel Balmaceda, na nagtamo ng sugat sa kaliwang balikat.

“Mabilis ang pagkalat ng apoy dahil karamihan sa mga bahay ay gawa sa light materials,” pahayag ni Fire Supt. Jesus Fernandez.

Aniya, mahigit 100 truck ng BFP at iba’t ibang fire volunteer brigade sa Metro Manila ang rumesponde sa lugar matapos itaas ang “General Alarm.”

Napasugod si Quezon City Mayor Herbert Bautista sa lugar upang tiyakin na nabibigyan ng ayuda ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog.

Samantala, isang bodega ng furniture at floor tiles ang nasunog sa Makati City noong bisperas ng Bagong Taon dahil din sa kuwitis.

Sa ulat ng Makati City Fire Department, nagsimula ang apoy sa isang kantina sa ikalawang palapag ng Living and Style Building sa Pasong Tamo St. sa Bgy. Bangkal, Makati City nang pumasok sa gusali ang isang lumiliyab na kuwitis dakong 11:00 ng gabi noong Miyerkules.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Tinupok din ng apoy ang isang-palapag na gusali sa N. Domingo St. sa Bgy. San Perfecto, San Juan City dakong 3:54 ng umaga kahapon. Tumagal ang sunog ng halos isang oras at mahigit 20 fire truck ang rumesponde sa lugar.