Dapat walang kondisyon.

Ito ang iginiit kahapon ng Malacañang matapos ilatag ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang ilang kondisyon upang bumalik ang grupong komunista sa pakikipagnegosasyon sa gobyerno hinggil sa isinusulong na usapang pangkapayapaan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Edwin Lacierda na puntirya ng administrasyong Aquino na siguruhin na kayang gawin at magagawa sa lalong madaling panahon ang pagkakaroon ng final peace agreement ng dalawang grupo, kahalintulad ng matagumpay na negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang pahayag ni Lacierda ay bilang reaksiyon sa kondisyon ng CPP-NPA-NDF na palayain muna ang kanilang mga consultant, ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, bago bumalik ang grupong komunista sa pakikipagnegosasyon sa gobyerno.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Mayroong nakabimbin na kasong kriminal laban kay Ginoong Tiamzon,” giit ni Lacierda.

Tulad ng kanilang naging posisyon sa MILF sa prosesong pangkapayapaan, sinabi ni Lacierda na dapat walang kondisyon hinggil sa pakikipagnegosasyon ng gobyerno sa mga komunista.

Aminado si Lacierda na marami pang isyu na dapat linawin ng dalawang panig subalit nagpahayag ito ng kahandaan ng gobyerno na plantsahin ang mga ito para maisakatuparan ang final peace agreement sa mga rebeldeng komunista.