Mahaharap sa mga kasong kriminal ang mga pagawaan ng paputok na mahuhuling nagpapatrabaho sa mga batang manggagawa, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).
Ito ang babala ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz sa gitna ng pagsisikap ng mga pagawaan ng paputok na pasiglahin pa ang kanilang produksiyon para sa selebrasyon ng Bagong Taon sa susunod na linggo.
“Delikado ang firecracker industry. Hindi dapat na nagpapatrabaho ng mga bata ang mga kumpanyang gaya nito. Mahaharap sa mga kasong kriminal ang mga lalabag,” ani Baldoz.
Batay sa RA 9231 (Anti-Child Labor Law), ang mga lalabag ay maaaring makulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P300,000.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Baldoz ang mga pagawaan ng paputok na tumalima sa occupational health at safety standards (OSH) upang maiwasan ang anumang aksidente sa mga pabrika.
Ang mga kumpanyang may paglabag sa OSH ay bibigyan ng sapat na panahon para maiwasto ang mga pagkakamali. Kung hindi makatupad sa palugit, babawiin ng DoLE ang license to operate ng mga ito. - Samuel Medenilla