Target ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na mabayaran ang lahat ng utang ng siyudad sa 2015 dahil bumubuti na ang estadong pinansiyal ng pamahalaang lungsod matapos bayaran ang multi-milyong pisong utang mula sa mga utility company.

Ayon kay Estrada, malaking tulong sa pagganda ng kondisyong pinansiyal ng Maynila ang agresibong pagkolekta ng buwis at pagtaas sa real property taxes kaya’t naisalba ang siyudad mula sa pagbagsak dahil sa kaliwa’t kanang utang.

Noong Disyembre ng nakaraang taon ay nilagdaan ni Estrada ang dalawang ordinansa na nagresulta sa pagtaas ng kita ng siyudad tulad ng mayor’s permit, garbage collection service, serbisyo sa sementeryo, paospital, eksaminasyon sa mga laboratoryo, market fee, sanitation, health at certification fee.

Itinaas din ang business tax at community tax ng 10 porsiyento sa ilalim ng administrasyong Estrada.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Marami ang umaasa ng malaki sa akin subalit hindi ko maumpisahan ang ano mang proyeto. Lahat ng proyeto ay nangangailangan ng pondo. Paano mo masisimulan ang isang proyekto kung wala kang pondo?” tanong ni Erap.

Nang umupo si Erap sa City Hall, minana niya ang mahigit P3.5-bilyon budget deficit at P485-milyon bayarin sa kuryente ng pamahalaang lungsod.

Subalit ngayong taon, nabayaran na ng lokal na pamahalaan ang P100 milyon utang sa kuryente.

Naibalik din ni Estrada ang allowance ng mga pulis na nagkakahalaga ng P2,500 sa bawat isa. - Jenny F. Manongdo