Matapos ang mahigit apat na buwang pagkakabihag, pinalaya na nitong Miyerkules, bisperas ng Pasko, ng grupong Abu Sayyaf ang isang babaeng negosyante.

Ayon kay Col. Allan Arrojado, commander ng AFP Joint Task Group-Sulu, pinalaya ng mga bandido si Michelle Panes, 36, dakong 9:00 ng umaga sa Bilaan, Talipao, Sulu.

Natagpuan si Panes ng isang sibilyan na nagdala sa kanya sa military headquarters sa Talipao, na roon siya sumailalim sa custodial debriefing.

Kalaunan ay inilipat si Panes sa pangangalaga ng militar sa Zamboanga City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

May-ari ng isang panaderya, dinukot si Panes ng armadong kalalakihan sa Barangay Labuan, Zamboanga City noong Agosto 18.

Ayon sa pulisya, pinasok ng mga suspek ang bakery at tinangay si Michelle kasama ang asawa niyang si Noel, na inakusahan ng mga bandido na sangkot sa ilegal na droga sa lugar. Tinangay din ng mga suspek ang P50,000 kita ng establisimiyento bago sumakay sa isang bangka kasama ang mag-asawa.

Matapos ang ilang minuto ay iniwan ng mga armadong bandido si Noel sa isang lugar subalit tangay pa rin si Michelle sa bangkang de-motor. - Elena Aben