Habang ipinatutupad ang suspension of military operations (SOMO) ng gobyerno, hinamon ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang New People’s Army (NPA) na palayain ang dalawang sundalo na binihag nito sa Bukidnon noong Agosto.

Nagsimula ang isang buwang suspensiyon ng opensiba ng militar noong hatinggabi ng Disyembre 18 at ipatutupad ito hanggang hatinggabi ng Enero 19, 2015.

Nagsasagawa ng “bayanihan” activities sina Private First Class (Pfc.) Mamel T. Cinches at Jerrel H. Yorong, kapwa miyembro ng 8th Infantry Battalion nang dukutin sila ng mga armadong rebelde sa Barangay Bontongon, Impasugong, Bukidnon noong Agosto 22.

Isang linggo matapos ang insidente, inihayag ng NPA na palalayain lamang nila sina Cinches at Yorong kung magpapatupad ng SOMO ang militar laban sa mga rebelde.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Subalit iginiit ng isang opisyal ng militar na hindi nila maaaring pagbigyan ang kahilingan ng NPA nang mga panahong iyon dahil mandato nilang ipatupad ang batas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng operasyon laban sa kilusan.

Subalit ngayong Pasko ay nagdeklara ang gobyerno ng SOMO bilang pagpapakita na tapat at seryoso ito sa pagpupursige sa kapayapaan sa bansa.

“Tingnan natin kung talagang sincere ang NPA sa kanilang demand. Maaari na nilang palayain ang ating dalawang sundalo ano mang oras, saan mang lugar. Alam ko na gagawin nila ‘yan dahil sinusubaybayan ng buong bansa ang kanilang mga hakbang matapos nilang hilingin na magdeklara ng SOMO para palayain ang dalawang sundalo,” ayon kay Maj. Gen. Oscar T. Lactao, commander ng 4th Infantry Division. (Elena Aben)