Naghain na ng resignation letter si Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR) Panfilo Lacson kay Pangulong Benigno S. Aquino III upang bigyang daan ang pagkakaroon ng permanenteng ahensiya na tutugon sa rehabilitasyon.
Ayon kay Lacson, naisumite na niya sa Palasyo ang kanyang resignation letter na magiging epektibo sa Pebrero 10, 2015.
Disyembre 10, 2013 nang italaga ni Pangulong Aquino si Lacson bilang rehabilitation czar, isang buwan matapos manalasa ang super typhoon ‘Yolanda’ sa maraming bahagi ng Eastern Visayas.
Inirekomenda rin ni Lacson na ibalik na sa pamamahala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang trabaho ng PARR.
Humingi si Lacson ng isang buwan kay Pangulong Aquino para sa transition ng PARR sa NDRRMC.
Sinabi pa nito na ang kanyang tanggapan ay pansamantala lang para tutukan ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda.
Iginiit ni Lacson na dapat gawing prioridad ng gobyerno ang pagtutok sa kalamidad o may iisang ahensiya lang na mangangasiwa rito dahil madalas salantain ng bagyo ang Pilipinas.
“Katakut-takot na bagyo ang pumapasok sa Pilipinas, bakit palaging ad hoc body ang naitatayo? Dapat permanente na rin ang pagharap sa permanenteng pangyayari sa ating bansa,” ayon pa kay Lacson.
Iminungkahi pa ni Lacson na amyendahan ang ilang probisyon sa NDRRMC Law upang lalong mapagibayo ang pagtutok ng gobyerno sa mga biktima ng kalamidad, kabilang ang pagpapatupad ng programa sa rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar.