Ipinagtanggol ni dating Senator Panfilo Lacson si Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima sa paglusob ng huli sa New Bilibid Prisons (NBP) na nagbigay-daan para madiskubre ang mararangyang pamumuhay ng mga nakapiit na drug lord.
Ayon kay Lacson, hindi madali ang pagde-develop ng intelligence network sa isang kaso, lalo pa sa NBP, na maraming kasabwat ang mga bilanggo, partikular ang mga high-profile inmate.
Ginawa ni Lacson ang nasabing pahayag kasunod ng mga pagbatikos kay De Lima kung bakit ngayon lang kumilos ang kalihim sa nasabing usapin sa Bilibid gayung apat na taon na itong nasa puwesto.
“To begin with, ang ginawa ni Secretary De Lima is commendable. But ‘yung sinasabing matagal na siya dyan, hindi niya nakita [ang iregularidad], it takes time to develop intelligence. Pero dahil sa kanyang political will, talagang dapat mabaklas ang lahat ng anomalya sa NBP, ginampanan niya nang buong tapang,” sabi ni Lacson.
Aniya, hindi madali ang ginawa ni De Lima dahil may posibilidad na mapana o masaktan ang kalihim habang nasa loob, pero ipinakita nito ang pagiging tunay na leader ng DoJ.
Sinabi pa ni Lacson na marami nang kabulastugan ang NBP at personal niya itong naranasan sa isang kaso ng murder na ang pangunahing suspek ay dapat na matagal nang nakapiit sa NBP, pero kinilala ng saksi na siyang nagsagawa ng krimen.
Aniya, inilalabas ang preso at pagkatapos na gumawa ng krimen ay ibinabalik ito sa NBP.
“Nangyayari na ‘yan noong sinauna pa lang, at dapat bigyan naman natin ng kredito si Secretary De Lima dahil siya naman talaga ang nagbaklas dyan. Literally, siya mismo ang nagbaklas ng dingding at nakita ang lahat ng anomalya roon,” dagdag pa ni Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na papayag siyang humarap sa imbestigasyon sakaling may independent body na magsulong nito.