Laude-Pemberton

Ni JONAS REYES

OLONGAPO CITY – Magkakahalo ang emosyon ng lahat sa pagharap kahapon ni US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City Hall of Justice kaugnay ng pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre.

“Gusto ko siyang dikdikin.” Ito ang sinabi ni Michelle Laude, nakatatandang kapatid ni Jennifer nang tanungin kung ano ang naramdaman niya sa unang pagkakataon na nakita niya nang personal si Pemberton.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Michelle na ginusto niyang hubarin ang suot na sapatos at paulit-ulit na pukpukin si Pemberton ng takong nito dahil sa matinding galit na nararamdaman niya sa sinasabing pumatay sa kanyang kapatid.

Nanggagalaiti rin sa galit ang panganay na kapatid ni Jennifer na si Marilou, pero mas magaan na umano ang kanyang kalooban na isiping umuusad na ang proseso para papanagutin sa batas ang dayuhang sundalo sa pagkamatay ng kanyang kapatid.

Guwardiyado si Pemberton ng anim na sundalong Amerikano sa buong panahon ng booking procedure, na kinabibilangan ng pagsusuring medikal, pagkuha ng litrato at ng fingerprints.

Dakong 5:00 ng umaga nang dumating sa Olongapo ang convoy ni Pemberton mula sa Camp Aguinaldo sa Quezon City at agad na binarikadahan ng awtoridad ang gusali upang matiyak ang kaligtasan ng suspek.

Sinabi ni Olongapo City Police Director Senior Supt. Pedrito De los Reyes na kapwa naka-heightened alert ang pulisya at fire department sa siyudad at may 100 pulis ang itinalaga sa palibot ng Olongapo City Hall of Justice.

Walang nangyaring arraignment kahapon dahil naghain ng mosyon ang panig ni Pemberton para suspendihin ang legal proceedings.

Itinakda ng korte sa Disyembre 22 ang pagdinig sa nasabing mosyon ni Pemberton.