SAMPUNG araw na lang bago mag-Pasko at isang buwan bago ang pagdating ni Pope Francis – dalawang magkaugnay na okasyon na mahalaga sa puso ng mga Pilipino. Bukas, bago magbukang-liwayway, mapupuno ang mga simbahan ng mga parokyano para sa tradisyonal na Simbang Gabi, ang una sa siyam na gabing misa na magtatapos sa misang pang-bisperas ng Pasko. Ito ang tradisyong pinagsasaluhan natin ng Mexico na nagsimula noon pang 1587.
Sa mga unang taon ng pananampalataya sa Pilipinas, nagbibitbit ng mga parol ang mga miyembro ng pamilya upang mailawan ang kanilang daraanan patungo sa simbahan. Ang hamak na parol ay naging bahagi rin ng tradisyon ng mga Pilipino tuwing Pasko. Sa San Fernando, Pampanga, ito ang naging sentro ng taunang kapistahan ng mga barangay ng lungsod kung saan mayroong paligsahan ng mga higanteng parol na may mga ilaw na may iba’t ibang kulay. Ipinaparada ang mga parol lulan ng malalaking truck sa lungsod. Bawat lalawigan at bayan sa bansa ay may sariling bersiyon ng parol, na karaniwang nasa anyo ng bituin na gawa sa kawayan, papel de Hapón na may palamuting kandila o bumbilya.
Sentro naman ng Panahon ng Pasko sa Tarlac ang Belen. May Belen ang bawat tahanan, kasama ang iba pang simbolo ng panahon – ang Christmas tree sa iba’t ibang bersiyon nito – may gawa sa mga kabibe, recycled materials tulad ng mga plastic na bote at lumang diyaryo, at, siyempre pa, tunay na pine tree. May nagdaraos din ng mga konsiyerto, may nangangaroling, may nagbibigay ng mga regalo, may mga family reunion at noche buena.
Sa ating pagdiriwang ng Pasko ngayong taon, inaabangan din natin ang pagdating ni Pope Francis sa Enero 15, 2015. May dalawa nang Papa ang bumisita sa Pilipinas, sina Pope Paul VI noong 1970 at Pope John Paul II noong 1981 at 1995. Bibisitahin ni Pope Francis ang Leyte upang makadaupang-palad ang mga survivor ng super-typhoon Yolanda, pati na ang mga pari ng Asia, at magdaraos ng misa sa Luneta. Sapagkat ang ating mga tradisyon ng Pasko ay pinayaman ng sinauna pang impluwensiya ng Kastila, makauugnay tayong mga Pilipino kay Pope Francis ng Argentina na nasa ilalim din ng Spain sa loob ng maraming siglo.
Kalalampas lamang natin sa bagyong Ruby na nagpanumbalik ng mga bangungot ng super-typhoon Yolanda at ngayon pinananabikan natin ang dalawang pinagpalang okasyon – ang Pasko na sampung araw na lang mula ngayon at ang pagdating ni Pope Francis sa loob ng 30 araw. Totoo ngang magiging isang espesyal at isang pinagpalang panahon ng kapayapaan at mabuting kalooban para sa ating lahat.