Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na umiwas sa overeating o pagkain nang labis sa mga salu-salo ngayong Christmas season.

Ayon kay Health spokesman Dr. Lyndon Lee Suy, hindi excuse ang Pasko upang kalimutan na ang diet restrictions at isasantabi ang kalusugan.

Binigyang-diin ni Lee Suy na ang hindi kontroladong pagkain sa panahon ng holiday ay maaaring makasama sa kalusugan at magdulot ng sakit tulad ng cardiovascular disease at diabetes.

Dapat din aniyang umiwas sa maaalat at matatabang pagkain, na pangunahing nagdudulot ng sakit.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Paalala ni Lee Suy, obligasyon ng lahat na alagaan ang kani-kanilang sarili, kahit pa panahon ng Pasko at kaliwa’t kanan ang mga kainan at handaan.

“Hindi siya (Pasko) dahilan para mag-binge tayo sa food, lalo na ‘yung mga may sakit. I guess responsibility natin to take care of ourselves as well,” aniya pa.

Mungkahi pa ni Lee Suy, bantayan ang mga kaanak na may diet restrictions.

Mas mainam din aniya kung masusustansiyang pagkain na lamang ang ihanda sa Pasko upang matiyak na maayos ang kalusugan ng lahat.

Nagpaalala pa si Lee Suy sa publiko na maging maingat sa pagpili ng mga pagkaing kakainin ngayong Christmas season.

Ayon kay Lee Suy, dapat na may sapat na kaalaman ang tao sa kaligtasan ng pagkain, lalo na’t posibleng kumalat ang mga nagtitinda ng mga botcha o double dead meat sa merkado dahil sa panahon ng kapaskuhan.

Payo ng health official, tiyaking ligtas ang karneng bibilhin.

Madali naman aniyang matukoy ang kalidad ng karne sa pamamagitan ng amoy nito. Kung mabaho na ang karne ay tiyak na double dead ito at hindi na dapat pang bilhin.

Ang mga prutas naman aniya ay madaling matukoy kung sariwa sa pamamagitan ng kulay ng balat nito.

Pinayuhan din ni Lee Suy ang publiko na bumili lamang ng pagkain sa mga lehitimong tindahan o sa mga suki na ng mga mamimili upang matiyak na hindi makakabili ng mga pagkaing hindi ligtas.

Dapat din aniyang tiyakin ng publiko na malinis ang pagkakahanda at pag-iimbak ng pagkain upang makaiwas sa sakit o di kaya’y food poisoning.