NAIS ni boxing champ Manny “Pacman” Pacquiao na makasagupa si Floyd Mayweather na wala pang talo sa boxing career nito. Ang hamon ay ginawa ng boksingerong kongresista matapos patumbahin si light welterweight champion Chris Algieri nang pitong beses para magwagi ng 12-round unanimous decision na ginanap sa Cotai Arena Macao, sa Macau, China. Wala pang sagot mula kay Mayweather. Sabi ko nga kay kaibigang sportswriter Recah Trinidad na nasa Macau sa sagupaang Pacquiao- Algieri kung posibleng maganap sa 2015 ang labanang Pacman-Floyd. Posible raw ito kung hindi makikialam si Top Rank boss Bob Arum. Malaki raw ang galit ni Mayweather kay Arum kung kaya hindi matuluy-tuloy ang labanan sapagkat ayaw niyang makialam ang 82-year old na promoter ni Manny.

Hinggil sa paghahamon ni Manny kay Floyd, sinabi ko sa mga kaibigan ko sa Facebook na kapag hindi tinanggap ni Floyd Mayweather ang hamon ni Manny Pacquiao, babaguhin ko ang apelyido niyang “Mayweather” at gagawin kong “Fearweather”, kasi talagang takot na takot at laging umiiwas na makipagsagupa kay Manny dahil may duda siyang tatalunin ng Filipino boxer at hindi niya mapananatili ang walang mantsang 47 wins sa larangan ng boksing.

Hanggang ngayon ay mahilig pa ring magsayaw ng “cha-cha” ang mga kongresista. Isang resolusyon ang inihain sa Kamara na ang layunin ay susugan ang mga probisyon ng Constitution tungkol sa larangan ng ekonomiya. Sinabi pa ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na aapurahin ito at pagtitibayin bago dumating ang congressional Christmas break. Relax lang kayo mga Kagulang-gulang, este Kagalang-galang na mambabatas, ang mahalaga ay tumupad kayo sa tungkulin at iwasan ang pagkakamal ng PDAF o pork barrel, at hindi kung anu-ano ang inyong pinag-iisipan!

Pagtitibayin din daw ng Kamara ang isang joint resolution para pagkalooban ng special powers si PNoy para mapigilan ang nagbabantang power shortage sa darating na tag-araw. Sige, gumawa kayo ng mga hakbang upang maiwasan ang kakulangan ng kuryente sa tag-init ngayong 2015 upang hindi magnaspunaspu at magkaanghit ang mga pasahero at magkaamuyan sa bus, jeep, MRT at LRT!
National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador