Vic Sotto

FIRST time gumawa ni Vic Sotto ng pelikulang trilogy (Sirena, Taktak at Prinsesa) na entry nila sa 2014 Metro Manila Film Festival sa Disyembre para mapaiba sa ibang entries.

“Gusto kong maiba sa Kabisote series ang My Little Bossing franchise,” paliwanag ni Bossing Vic sa grand presscon ng My Big Bossing. “Nu’ng una kasi kaming nag-meeting ng aking co-producers una naming gustong gawin is ‘yung sirena, kasi original script ng Vampire Ang Daddy Ko na hindi namin itinuloy kasi sabi ko kay Bibeth Orteza (scriptwriter), gusto kong gawing pelikula (Sirena) kasi ambisyon niya (Ryzza Mae Dizon). Isa lang naman ‘yung request niya, eh, pink ‘yung buntot, eh, wala naman ‘yatang ganu’n.

“And then ‘yung mga eksenang banyera lalagyan ng patis para maging tubig alat, ‘tapos isa rin sa gusto niya maging Prinsesa, so akalain mo, ang taas ng ambisyon, ‘di ba?” tumawang kuwento ng TV host/actor.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

“Eh, gusto ko ring gumawa ng horror-fantasy na pambata, hindi ‘yung horror na hindi ka makakatulog pag-uwi mo, gusto ko ‘yung horror na pambata. So, hindi kami magkamayaw, hindi kami magkasundo, so sabi ko, sige tatlo na lang. Akala ko madali, akala ko mura kasi sabi ko, 1/3 lang.

“Si Direk Joyce Bernal, 1/3 lang ang talent fee, hindi pala ganu’n, times three pa, grabe!” kuwento pa ni Bossing Vic sabay bawi, “hindi joke lang.”

“Nu’ng una akala ko madali, mahirap pala, pero nang mapanood ko ‘yung finished products, sulit naman pala. So parang tatlong pelikula ‘yung ginawa namin pati budget parang tatlong pelikula rin.

“But definitely, we had fun and it’s my first time to work with Binibining Joyce Bernal and hopefully, it’s the start of good relationship kasi masarap siyang katrabaho, eh.

“Kay Direk Tony Y. Reyes, wala na akong masasabi kasi nasabi ko na lahat. Kay Direk Marlon Rivera, gumawa na kami last year (My Little Bossings). So it’s my first time with Direk Joyce and I definitely had fun, madali siyang katrabaho, she’s beautiful daw which I agree naman, pati ‘yung kanyang sense of humor, swak, eh.

“We had an easy time to the filming of this, kasi ‘yun ang importante sa trabaho namin, nawawala ‘yung hirap ‘pag nag-eenjoy ka. Enjoy ka sa mga kasama mo, si Marian (Rivera), matagal na naming dabarkads ‘to, si Niño (Muhlach), si Onin, dati siya ‘yung katrabaho ko, ngayon ‘yung anak na (Alonzo). Parang kailan lang, di ba?” pahayag ng aktor/producer.

Ang direktor sa Sirena episode ay si Tony Reyes, bida sina Wally Bayola, Manilyn Reynes, at Pauleen Luna. Si Direk Marlon naman sa Taktak na sina Marian at Jose Manalo naman ang bida at si Direk Joyce sa Prinsesa na gagampanan ni Ryzza Mae, Alonzo Muhlach at Niño.

Samantala, inamin nina Bossing Vic at girlfriend niyang si Pauleen Luna na nalungkot sila kasama ang iba pang dabarkads nila sa Eat Bulaga sa pag-alis ni Isabelle Daza.

“It’s okay, we’re happy for her,” say ni Pauleen. “I mean, if she wants to expand her horizon, let her be.”

Ayon naman kay Vic, “Wala namang problema sa amin ‘yon. It’s her personal decision and we always have respect for someone looking for greener pastures, it’s understandable.”

Mapapanood ang My Big Bossing simula sa Disyembre 25 at magkakaroon ng premiere night sa Disyembre 2 sa SM Megamall.