Ikalimang sunod na panalo na magluluklok sa kanila sa solong liderato ang tatangkain ng Hapee Toothpaste sa kanilang pagsagupa sa isa sa itinuturing na title contenders Cebuana Lhuillier sa unang laro ngayong hapon ng 2015 PBA D-League Aspirants Cup na darayo sa Quiapo,Manila sa Technological Institute of the Philippines Gym sa Manila.

Ganap na alas-2 ng hapon magtitipan ang dalawang koponan sa pambungad na labang sa nakatakdang double header na kinatatampukan naman ng tapatan ng Café France at ng Tanduay Light sa huling laban ganap na ika-4 ng hapon.

“That will be our biggest test,” pahayag ni Gems coach Boysie Zamar tungkol sa kanilang laban sa itinuturing na powerhouse team ng Fresh Fighters.

Inaasahan ni Zamar na magpapatuloy ang naipakitang magandang teamwork ng kanyang koponan sa kanilang nakaraang 77-57 na panalo sa Tanduay Light noong nakaraang Nobyembre 20 na nagbalik sa kanila sa winning track matapos matalo ng dalawang sunod.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Kasalukuyang nasa ikaapat na posisyon ang Gems kasalo ng Wangs Basketball na may patas na barahang 2-2, panalo-talo kasunod ng solong pumapangatlong Café France na may barhang 3-1, panalo-talo, kabuntot ng solo ring segunda na Jumbo Plastic Linoleum na lamang sa kanila ng isang panalo.

Tatangkain ng Fresh Fighters na humulagpo sa kasalukuyang pagkakabuhol nila ng Cagayn Valley sa pamumuno taglay ang malinis na barahang 4-0, panalo-talo.

Para kay Hapee coach Ronnie Magsanoc, inaasahan niyang magpapatuloy ang magandang depensa na ipinapakita ng kanyang koponan na pinaniniwalaan niyang susi kung bakit nakaluklok sila sa kasalukuyang estado.

“We’re playing well defensively and I think that was the key, so I’m hoping that we can continue playing like this,” ani Magsanoc.

Samantala sa tampok na laro, tatangkain ng Café France na sumalo sa ikalawang puwesto sa Jumbo Plastic sa kanilang pagtutuos ng Tanduay Light na magsisikap naming bumangon mula sa kinasadlakang tatlong sunod na kabiguan matapos maipanalo ang una nilang laban.

Magkukumahog ang Bakers na makabangon mula sa natamong 84-89 na double overtime na pagkabigo sa kamay ng Cagayan noong nakaraang Nobyembre 20 sa Yanres Sports Arena sa Pasig City.