Gov. Vilma & Luis

SA ginanap na Ala Eh! Festival 2014 launch/presscon ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto na sponsored ni Mother Lily Monteverde ay inamin ng Star for All Seasons na bumagsak ang immune system niya kaya siya nagkasakit.

“Ang nag-trigger talaga ay noong mawala si Ate Aida (Fandialan, ang kanyang personal accountant at itinuring nang kapamilya), doon lumabas ang stress ko. Pero okey naman na lahat ngayon. Nag-lie-low muna tayo at nagpalakas,” say ni Governor Vi.

Samantala, tinanong si Ate Vi kung may idea siyang isasabay ni Luis Manzano ang proposal kay Angel Locsin sa darating na Ala Eh! Festival.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Natawa muna ang Star for All Seasons bago sinabing wala naman silang pinag-usapan ng panganay niya at naniniwala siya na hindi ito isasapubliko ng aktor dahil ang gusto nito ay pribado ang buhay pag-ibig.

Balitang-balita na ikakasal na sina Luis at Angel sa 2015 kaya natanong ang gobernadora ng Batangas kung hihimukin ba niya na sa Batangas magpakasal ang dalawa.

“Ginawa naman akong pakialamera porke’t doon ako sa Batangas kinasal,” tumatawang sagot ng nanay ni Luis. “It’s their decision. If they feel like getting married in Batangas, eh, di better, pero nasa kanila ‘yun. Kami ni (Sen.) Ralph Recto, 26 years na kaming kasal ni Ralph and sinuwerte naman.”

Hindi itinanggi ni Ate Vi na gustung-gusto na niyang magkaroon ng apo kay Luis.

“Oo, eh, kung dati hindi pa. Pero ngayon gusto ko na magkaroon ng apo—at kung sila na nga ni Angel ang magpapakasal. Thirty two na rin naman si Lucky,” sabi ng proud mommy ng aktor

Kinumpirma na ni Ate Vi na makakasama niya ang kanyang future daughter in law sa pelikula under Star Cinema na nakatakdang ipalabas sa 2015 for Mother’s Day presentation.

At dahil drama ang kuwento ng pelikula, may nanghula na baka may sampalan sina Angel at Ate Vi.

“Hindi ko pa alam, pero maganda kasi ‘yung istorya naiiba, maski ‘yung karakter ko rito iba. ‘Yung sampalan isyu, tingnan natin, depende sa mga eksena. Pero nu’ng nag-usap kami at nag-meeting, I told them (Star Cinema), I want something new, kaya nga pati buhok iba, eh, parang mayroong scrape, tingnan natin ‘pag final na, hindi ko pa alam,” kuwento ng Star for All Seasons.

Plano pala ng Star Cinema na isama si Luis sa pelikula, pero tinanggihan ito ng TV host/actor.

“Originally talaga kaming tatlo, parang ayaw ng anak ko, ayaw niya na ibebenta ‘yung relationship nila ni Angel. Masyadong malaki ang respeto ni Lucky sa relationship nila ni Angel, ayaw niyang ma-commercial. Ayaw niya na baka mapaglaruan, so it’s the respect. The good thing is nirerespeto naman namin ‘yung desisyon ni Lucky,” kuwento ng nanay ni Luis.

Magkatabi sa upuan sina Mother Lily at Gov. Vi kaya may nagtanong kung bakit hindi ipinagpo-produce ng Regal ang aktres.

“It’s hard for me to say this, I always talk to Malou Santos (Star Cinema managing producer), sabi ko, ‘Malou, pagbigyan mo naman ako, gusto kong magsosyo.’ Sana, I will pray na sasagutin ako ng Star Cinema, sana pagbigyan niya ako,” pagtatapat ni Mother Lily.

Sa usapang pulitika, wala pang plano si Gov. Vi kung kakandidato siya ulit o hindi na dahil ang gusto niya ay magbalik-showbiz.

“Kung hindi man po ako matutuloy tumakbo ng 2016, gusto ko pong bumalik sa show business, puwedeng artista, puwedeng producer, I might produce a film ulit. It’s just na hindi lang talaga matanggal sa puso ko ang showbiz kasi after ng 2016 ay 18 years na rin po akong public servant, I served Lipa City for 9 years and still another 9 years in the province of Batangas (governor).

“And ‘pag pinag-usapan ang pulitika, hindi talaga ganu’n kadali ‘yun, ang pinakamasarap lang sa akin ay labing-walong taon din akong pinagkatiwalaan ng mga Batangueño that I can serve them, so gusto kong tapusin ito at ga-graduate ako ng 2016 as the governor of the province na masabi nilang Governor Vilma Santos-Recto served us well, she served as well.

“Hindi ko po kayang maghimala o magawan ng solusyon lahat ng problema, but at least marinig ko lang na Governor Vilma Santos-Recto served as well at malaking bayad na ‘yun. So no plans in 2016, but definitely, I miss showbusiness, I miss show business,” pangangatwiran ni Ate Vi.

Inamin din naman ni Batangas Vice Governor Mark Leviste na mahirap pantayan ang achievements ng kanilang gobernadora dahil sobrang hands-on sa lahat ng trabaho nila at diretsong makipag-usap, walang paliguy-ligoy.

Kinumpirma rin ni Governor Vilma ang haka-hakang pinababalik siya sa bayan ng Lipa City para muling tumakbo bilang mayor dahil kailangan siya ng nasabing bayan.

Pero hindi pa nga niya sigurado at wala pa sa plano niya ang 2016 elections.

Sa halos siyam na taong paninilbihan ni Governor Vilma sa lalawigan ng Batangas ay walang masasabi ang bawa’t bayan dahil lahat ng project nila ay suportado katulad nitong darating na Ala Eh! Festival sa Taal sa Disyembre 1-8.

Ang isang linggong selebrasyon ng mga taga-Batangas ay uumpisahan ng Fun Run ng 5AM sa December 1. May trade fair, agri fair, photo exhibit at may street party sa Marcella Agoncillo Street na magsisimula ng 4PM.

Magkakaroon din ng Mutya ng Taal beauty contest at Taaleño Ang Galing Mo! sa Disyembre 2 at 3 at ang coronation night ay sa Disyembre 5 sa Taal Plaza na dadaluhan ng maraming showbiz celebrities, at ang inaabangang grand finals ng Voices, Songs and Rhythms sa Disyembre 7, 7:00 PM at sa Disyembre 8 ay may Eucharistic celebration sa Basilica of St. Martin de Tours, 7:00 AM na susundan ng street dance at float parade patungong Taal Park na pagdadausan ng festival dance competition.

Kaya inaanyayahan nina Governor Vilma at Vice Governor Mark Leviste kasama na si Taal Mayor Michael Montenegro ang lahat ng mga kababayan na makiisa sa selebrasyon ng Ala Eh! Festival. Tiyak na mag-eenjoy daw ang lahat.