Isang inabandonang kahon na pinaniniwalaang naglalaman ng bomba ang natagpuan sa harapan ng isang convenience store sa Makati City noong Lunes ng umaga.
Dakong 11 a.m. nang isinara ang trapiko sa mga motorista sa bahagi ng Paseo De Roxas Avenue at Makati Avenue upang masuri ng mga kasapi ng Makati explosive ordnance disposal (EOD) ang nilalaman ng kahon.
Sinabi ni SPO1 Richmond San Pedro na ang kahon ay nadiskubre ng security guard ng isang convenience store sa Peninsula Court building. Sa hinalang ito ay naglalaman ng pampasabog, tumawag ang guwardiya sa Makati police.
Nang ito ay mabuksan, tumambad ang isang kahon na naglalaman ng iba’t ibang kagamitang electrical at mechanical gaya ng voltage and continuity tester at mga screw driver.
Sinabi ng pulisya na pinag-aaralan na nila ang closed circuit television footage upang matukoy kung sinadya o aksidenteng naiwan sa lugar ang kahon.