Walang krimen sa silangang bahagi ng Metro Manila, partikular sa Taguig City, bago at habang nangyayari ang laban ng world boxing champion na si Saranggani

Rep. Manny Pacquiao sa American challenger na si Chris Algieri.

“So far wala pa naman akong nare-receive na major crime incident sa AOR namin,” pahayag ni PO2 Catherine Capinpin, tagapagsalita ng Eastern Police District (EPD). Ayon kay Capinpin, halos lahat ng mamamayan sa nasasakupan ng EPD ay tumutok sa makasaysayang laban.

Ganito rin ang sitwasyon sa San Juan City Police, na malinis ang police blotter sa ano mang ulat ng krimen kahapon.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Lahat busy kay Pacquiao, ‘alang gustong umalis ng bahay,” pahayag ng duty officer na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Sinabi ni Capinpin na ganito ang karaniwang sitwasyon tuwing may laban si Pacquiao, na tinaguriang “Pambansang Kamao,” hindi lang sa nasasakupan ng EPD ngunit maging sa buong Metro Manila.

Sinabi ni Taguig City Police chief Supt. Celso Rodriguez na minsan lang sila nakatanggap ng insidente ng krimen kasabay ng laban ni Pacquiao at ito ay may kinalaman pa sa away ng mag-asawa.

“Minsan siguro ginagagaya nung mga misis ‘yung ginagawa ni Pacquiao, kaya may nagrereklamo,” pabirong sinabi ni Rodriguez.

Tiniyak naman ng opisyal na nakaalerto pa rin ang kanyang mga tauhan tuwing may laban si Pacman dahil posible pa ring may magsamantala habang abala ang mga Pinoy sa panonood sa laban ng tinaguriang world boxing icon. (Rizanil Obanil)