Ni LESLIE ANN G. AQUINO
Walang VIP meetings kay Pope Francis sa kanyang pagbisita sa bansa sa Enero ng susunod na taon.
Sinabi ni Palo Archbishop John Du na nagpahayag ng kagustuhan ang Santo Papa na dumistansiya sa mga pulitiko at “VIPs” hangga’t maaari.
Sa isang post sa CBCP News, sinabi niya na nais ng Santo Papa na makapiling ang mga mahihirap na survivor ng bagyong Yolanda, at hindi ang mga VIPs.
Sang-ayon naman ang mga taga-Palo sa nais ng Santo Papa.
“No VIP should get near the Pope because everybody is equal,” lahad ni Robert Cabilte, isang guro mula sa San Jose Central School.
Si Mila Nuevo, isang balo na nakaligtas sa storm surge, ay nagsabi na dapat talagang magtungo ang Papa sa Tacloban dahil sa naturang lugar maraming pumanaw noong kasagsagan ng bagyo.
Sa mga indibidwal na maaaring magpilit na makalapit sa Papa, sabi niya: “They should inhibit themselves so to honor the wish of the Pope.”
Samantala, siniguro ng Archdiocese ng Palo ang mga mananampalatayang Pilipino na magiging patas ito sa pagpili ng mga survivor na sasaluhan ang Papa sa tanghalian sa kanyang pagbisita sa lugar sa Enero 17.
Ayon kay Fr. Cris Militante, media coordinator para sa papal visit sa archdiocese, ang Episcopal Relief and Rehabilitation Unit (RRU) ay kasalukuyang nasa proseso ng pagpili sa mga “papal lunch mates.”
“At the moment we are still in process of selection … We are constantly in touch with our RRU regarding the progress of selection,” sabi ng pari.
“They [Palo RRU] are trying their best to choose people, not only those who had survived Yolanda, but even of other calamities, so that the event will be well-represented,” dagdag ni Militante.
Ang Cebu at Bohol, na nasalanta ng lindol isang buwan bago ng Yolanda, ay inaasahan ding magpapadala ng mga representante sa nasabing salu-salo.
Ayon kay Militante, aabot sa 30 indibidwal ang masuwerteng makakasama ng Santo Papa sa pagtitipon.