Ni ANNA LIZA VILLAS ALAVAREN

Balak ng Simbahang Katoliko na limitahan ang gastusin sa P70 milyon para sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis sa Enero.

Ayon sa isang source , ipinahiwatig na ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na mismong si Pope Francis ang humiling na maging simple ang kanyang pagbisita sa Pilipinas.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Fr. Anton Pascual, chairman ng Papal Visit media relations subcommittee, na nagsimula nang tumanggap ng donasyon ang Simbahan para sa makasaysayang pagbisita ng Papa.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Bagamat tumatanggap na sila ng donasyon, nais limitahan ng Simbahan ang gastusin sa pagbisita ni Pope Francis upang magamit na lamang ang bahagi nito sa pagtulong sa mga biktima ng super typhoon “Yolanda” sa Eastern Visayas.

Inihayag din ni Fr. Marvin Mejia, secretary general ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nangangailangan ng karagdagang pondo ang kanilang grupo, kabilang ang panustos sa mga LCD screen na gagamitin sa mga pampublikong lugar upang mapanood ang mga kaganapan sa pagbisita ng Papa.

“There are many aspects of the papal visit that we need funding but as mentioned this should not be a fund-raising event. The bishops are also donating from their own pockets, from their own personal account, not from the dioceses cause there is no fundraising in the dioceses,” dagdag ni Mejia.

Aniya, maglalabas ang Finance Committee ng listahan ng mga gamit na kakailangan ng kanilang grupo sa malaking okasyon na inaasahang sasaksihan ng milyun-milyong Pinoy.