Nanawagan si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, na tigilan na ang bangayan ng kanyang pamilya at ng mga Aquino para na rin sa kapakanan ng bansa.
Ayon kay Marcos tatlong dekada na ang isyu, at sana naman ay tigilan na ito nang magkaroon na rin ng katahimikan ang dalawang pamiliya.
“That’s something that would be good for the country. Kasi alam naman natin itong away na ito na hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa. Ito’y sagabal sa pagkakaisa dito sa bansa. Kailangan we have to get past it…put it behind us. Ang daming kailangang gawin,” apela ni Marcos.
Mortal na magkaaway sa pulitika ang ama ng Senador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at ang ama naman ni Pangulong Benigno S. Aquino III na si dating Senador Benigno Aquino Jr. Ang pamilya Marcos ang sinisisi sa pagkamatay ni Ninoy noong 1983 na naging hudyat ng mga kilos-protesta na nauwi sa pagpapatalsik kay Pangulong Marcos noong 1986.
“I mean siguro sa pamilya Marcos, wala na ‘yung political fight na ‘yan. Hindi naman ito personal. ‘Yung talagang naglalaban was my father and Ninoy Aquino, ‘60s, ‘70s pa ‘yun so dapat lampasan na natin ‘yun at hindi na ‘yan ang issue ngayon. Wala tayong makukuha sa tuluy-tuloy na pagsusumbatan na Aquino-Marcos for no good reason. We’ll get nothing out of that,” dagdag pa nito.
Ayon kay Marcos, kailangan nang ibaon ito sa kasaysayan at umusad na ang bansa.
“Hindi tayo pwedeng paulit-ulit, na balik nang balik for 35 years ago kung anong nangyari du’n. Alam na nating lahat kung anong nangyari 35 years ago, gawan natin ng paraan kung ano ang mangyayari ngayon,” diin ni Marcos.