Totoong naglaan ng P6 na bilyong pondo ang gobyerno para sa rehabilitasyon ng Tacloban City na hinagupit ng super typhoon Yolanda.

Ito ang buwelta ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Panfilo Lacson sa pahayag ni Tacloban Mayor Alfred Romualdez na wala silang nalalaman tungkol sa halaga ng proyekto.

Pahayag ni Lacson, mahigit 14,000 housing units ang itinatayo sa Tacloban at 12,500 dito ang nakatakdang i-turnover ng National Housing Authority (NHA) sa Abril 2015 na ang halaga ng 12,500 bahay ay umaabot na sa P3 bilyon.

Nilinaw ng rehabilitation czar na bukod pa ito sa gastos sa mga isinasaayos na kalsada at eskwelahan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Hindi ko sinabing ibinigay kay Mayor Romualdez ‘yung P6 bilyon. Ito’y mga national government agencies na nag-i-implement ng proyekto para sa Tacloban, so totoo po ‘yung P6 bilyon,” paglilinaw ni Lacson.

Ipinaliwanag ni Lacson na aabot ito ng P7.2 bilyon pero inalis na niya sa komputasyon ang halaga ng pagpapagawa sa DoF building at airport na hindi naman direktang para sa mga residente.