HINDI MABIBILANG ● Kung magugunita mo noong 1995 dumating sa bansa si Pope John Paul II (Saint John Paul na ngayon), nasaksihan mo ang pagdagda ng laksa-laksang mananampalataya upang masilayan ang pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katoliko at makaramdam ng matinding kasiyahan sa kinatawan ng Diyos sa lupa. Walang silbi ang mga harang sa mga tawiran sa Roxas Blvd. at lahat ng espasyo sa Rizal Park may tao na nakatayo at nakaupo. Sa napipintong pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero, inaasahan ang pagdagsa ng mahigit limang milyon katao sa Rizal Park. Kaugnay ng misa sa Rizal Park, ayon kay Fr. Emmanuel “Nono” Alfonso, SJ, halos ganito karami ang dumalo sa World Youth Day noong 1995.

Ang misa sa Rizal Park ang huli sa tatlong misa na pangungunahan ni Pope Francis sa bansa. Inaasahan na may dalawang milyon katao ang dadagsa sa Leyte upang dumalo sa misa ni Pope Francis sa Tacloban Airport. Tiniyak din ni Fr. Alfonso, tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng Simbahan sa Malacañang para sa seguridad ng Papa. Ayon sa pamunuan ng Simbahang Katoliko hinggil sa mga aktibidad ng Papa, tanging ang ilang lugar sa Maynila, Pasay, at Tacloban at Palo, Leyte lamang ang nabanggit na pupuntahan ni Pope Francis sa limang araw na pagbisita sa bansa.

***

ALAALA NG KAHAPON ● Ang mga bagay na bahagi ng kasaysayan ang pangunahing dahilan kung bakit dinarayo ng mga turista ang ating bansa. Sa isang nilulumot na gusali na nanaig sa digmaan sa Maynila, marami nang mabubuong kuwento ng mga lumipas. Kung gigibain ang mga istrukturang ito, sa ngalan ng “modernisasyon”, para na ring sinakal mo ang turismo hanggang sa mamatay. Kaya nga inihayag ni Manila 3rd District Councilor John Marvin Nieto na pabor siya sa restorasyon o rehabilitasyon ng mga historical building sa lungsod. Sinabi ng chairman ng Committee on Arts and Culture, maraming historical building at cultural heritage site sa Maynila na nangangailangan ng pagsasaayos ng City government. Ani Nieto, “Nakapanghihinayang gibain ang structures na may historical value dahil maaari pa rin itong magamit sa pag-aaral, kaya kailangan lamang na ayusin ito para hindi tuluyang masira at mapakinabangan pa.” Dagdag ni Nieto, nangangailangan talaga ng pag-unlad ang lungsod pero kailangan pa rin na hindi maisakripisyo ang bahagi ng kaysaysan.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador