Ni GENALYN D. KABILING

Hindi tuluyang inihiwalay sa ‘sibilisasyon’ ang mga Pinoy peacekeeper na inilagay sa 21-araw na quarantine sa Caballo Island matapos bumalik mula sa Liberia kung saan laganap ang Ebola virus.

Tiniyak ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na patuloy na nakakausap ng mga Pinoy peacekeeper ang kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng mobile phone at Internet.

“Walang limitasyong ipinaiiral hinggil sa paggamit ng cellphone sa Caballo Island para sa may sariling gamit nito. ‘Yung walang sariling gamit ay nakagagamit ng cellphone ng kanilang unit, pero kailangan nilang sumunod sa time limit para sa kapakinabangan ng lahat,” pahayag ni Coloma sa panayam sa radyo DzRB.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Mayroong libreng WiFi coverage para makipag-usap sila sa kanilang mga kamag-anak sa pamamagitan ng Skype o Viber, at sa kagandahang loob din ng Smart at Globe ay pinagkalooban sila ng expanded benefits, katulad ‘nung unlimited texting,” dagdag niya.

Sa kanilang pagdating sa Maynila nitong nakaraang linggo, kaagad na dinala ang 133 Pinoy peacekeeper sa Caballa Island upang matiyak na wala sa kanila ang nagtataglay ng nakamamatay na Ebola virus.

Pinasalamatan ni Coloma ang mga kamag-anakan ng mga peacekeeper sa kanilang pang-unawa sa quarantine procedure upang mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang pamilya.