Engrandeng bakasyon ang naghihintay sa mahigit 100 Pilipinong peacekeepers na nanggaling sa Liberia matapos ang tatlong linggong quarantine sa Caballo Island sa Cavite.
Inihayag ni Armed Forces of the Philippines(AFP) Public Information Office Chief Col. Harold Cabunoc, na tiniyak ni AFP Chief of Staff Gen Gregorio Catapang na bibigyan ng bakasyon mula Pasko hanggang Bagong Taon ang peacekeeping contingent, upang makasama nang mas matagal ang kani-kanilang pamilya.
Hindi pa binabanggit ng AFP kung saan magbabakasyon ang mga sundalo.
Una rito, sinabi ng AFP na pagkatapos ma-quarantine ang mga sundalo ay bibigyan sila ng hero’s welcome at pararangalan sa kanilang serbisyo sa bansang apektado ng Ebola virus.
Dumating noong Miyerkules ng gabi ang 133 miyembro ng contingent at kaagad silang dinala sa Caballo Island, Cavite upang i-quarantine sa loob ng 21 araw.
Kahit negatibo sa Ebola virus ang Pinoy peacekeepers, nais lamang na matiyak ng AFP na ligtas sa sintomas ang mga sundalo na nanggaling sa isang bansa na may outbreak ng Ebola.