Walang katotohanan ang pahayag ni Cavite Governor at United Nationalist Alliance (UNA) spokesman Jonvic Remulla na gumagastos ng P50 milyon ang Senado sa bawat pagdinig.
Ayon kay Senator Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, masyadong malaki ang P50 milyon sa ginagawang pagdinig at katunayan ay halos budget na ito ng isang komite sa loob ng ilang taon.
“That’s not true. It has no basis,” ani Guingona.
Una nang sinabi ni Remulla, na gumagastos ng P50 milyon bawat hearing ang Senado sa isinasagawang pag-ungkat sa anomalya sa Makati City Hall Building 2 at Iloilo Convention Center (ICC).
Ipinaliwanag ni Guingona na ang pagdinig ay ginawa sa pangkaraniwang araw kaya walang labis na gastos, lalo na sa usapin ng paggamit ng pasilidad at maging sa sahod ng mga kawani ng Senado.
”We do not spend additional pay for the salaries of staff and employees and no extra payment for the electricity because that is the normal functions of the Senate,” dagdag pa nito.
Aniya, maging sa media coverage ay wala namang gastos ang Senado dahil hindi naman sila namimili ng air time sa mga estasyon ng radio at telebisyon.
Sinabi pa nito na ang media coverage ay ginagawa ng Public Relation and Information Bureau (PRIB) na normal namang ginagawa ng mga ito sa mga pagdinig.