Iniurong ng Philippine Air Force (PAF) ang naunang plano na masilayan pa ang 108 Pilipinong peacekeepers ng kanilang kaanak na matagal ding nawalay sa kanila.

Sa bagong utos, hindi na mananatili sa PAF gymnasium ang mga kaanak ng Pinoy peacekeepers mula Liberia upang masilayan man lamang ang mga ito. Sa halip, sa video na lamang mapapanood ang pagdating ng mga Pinoy peacekeepers, dakong 5:45 ng hapon nitong Miyerkules, sakay ng UTair mula Monrovia, Liberia.

Ayon kay AFP-Public Affairs Office chief, Lt. Col. Harold Cabunoc, makikita ang live feed showing sa ikalawang palapag ng Philippine Air Force Museum sa loob ng Villamor Air Base.

Hiniling ng AFP ang pang-unawa sa mga kaanak na hindi nila mayakap at mahagkan ang mga sundalo dahil kailangan ng mga ito na i-quarantine, kahit naging negatibo sila sa Ebola screening test.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Umapela rin ang AFP sa media na huwag kunan ang mga mukha ng peacekeepers at ipakita sa telebisyon at pahayagan upang maiwasan na sila ay pandirihan.

Sinabi ni PAF spokesperson Lt. Col. Enrico Canaya, pagkababa sa eroplano ng mga sundalo, dadaan ang mga ito sa thermal scan, ikakarga ang kanilang mga gamit sa military trucks at sasakay ng bus patungong Sangley Point sa Cavite at sasakay ng barko patungong Caballo Island.

Ang Task Force Liberia ang mangangasiwa sa 21 araw na quarantine ng mga sundalo sa isla ng Caballo.