Noong una pa man sinabi na ni Sen. Joker Arroyo na ang gobyerno ni Pangulong Noynoy ay pinatatakbo na parang student council. Nakita niya kung sino ang mga may tangan ng sensitibong posisyon at ang sistema ng mga ito sa pamamahala. Kaya, alam niyang hindi kayang makipagbuno ang gobyerno sa mga mabibigat na suliraning mararanasan ng mamamayan. Pinatunayan naman ng gobyerno ni Pangulo Noynoy na tama si Sen. Arroyo. Isang taon na ang nakararaan nang wasakin ng delubyong Yolanda ang Samar, Leyte at Tacloban, pero parang walang gobyernong gumagalaw upang ibangon at iayos ang mga ito. Nanatiling nakadapa ang mga ito maliban sa mga rehabilitasyon nagawa ng mga iba’t ibang gobyerno sa daigdig.

Ang hindi pa maganda ay hindi maisantabi ng Pangulo ang kanyang personal na damdamin. Kung si Yolanda ay walang pinili sa mga pinadapa niya, si Pangulong Noynoy ay waring mayroon sa layunin niyang maibangon ang mga ito. Sa pagdalaw niya sa mga nasalanta, nilaktawan niya ang Tacloban gayong isa ito sa mga lugar na halos mabura sa mapa. Marami ang mga nangamatay dito. Kaya, palaban tuloy ang alkalde ng siyudad na si Alfred Romualdez. Sa kabila na mayroon naibigay na ring tulong ang gobyerno sa kanya ay nag-iingay pa. Inamin niyang sinusuportahan niya ang mga nagra-rally laban kay Pangulong Noynoy. Binabanatan ng mga ito ang Pangulo dahil sa mabagal daw na pagdating ng tulong sa kanila.

Ang hidwaang Aquino – Romualdez ay nagpapatuloy kahit ang situation ay nangangailangan ng pagkakaisa upang mapalakas at mapabilis ang anumang kilusang makatutulong iahon ang mga nasalanta. Hindi kasi kumilos at nag-aasal na isang lider at ama ang Pangulo na walang kinikilingan at kinakalaban. Nasa baba pa rin siya ng sitwasyon kasi mayroon siyang kinikimkim na hindi niya maiwaksi kahit sa panahong dapat niyang gawin ito para maging maluwag ang kanya paggalaw bilang pinuno ng lahat ng kanyang nasasakupan.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina