ILOILO – Dahil kabilang sa mga lalawigang pinakamatinding sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ sa Panay Island, walang dudang nangangailangan din ng tulong ng gobyerno ang Iloilo at Capiz.
Makalipas ang isang taon, inamin nina Iloilo Gov. Arthur Defensor Sr. at Capiz Gov. Victor Tanco Sr. na ipinagpaliban ang rehabilitasyon ng gobyerno sa dalawang probinsiya.
Sa kanyang 2014 State of the Nation Address (SONA), inihayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III na naaprubahan na ang P17.1-bilyon pondo para sa rehabilitasyon sa mga binagyong lugar sa Iloilo.
Sinabi ni Tanco na tanging sa papel lang inaprubahan ang P12 bilyon paara sa Capiz. Aniya, mahirap na ipaliwanag sa mga biktima ng Yolanda sa lalawigan na hindi pa nailalabas ng gobyerno ang inaprubahang pondo.
Karamihan sa 1.6 milyong naapektuhan ng Yolanda sa Iloilo at Capiz ang naghihintay ng tulong pinansiyal para muling maitayo ang kanilang mga nawasak na bahay.
Dahil sa Yolanda, halos 950,000 katao sa Iloilo ang nawalan ng tirahan, at mahigit 691,000 katao naman sa Capiz. - Tara Yap