ITU, Brazil (AP) — Halos isang buwan nang walang tubig sa Itu, isang commuter city sa labas ng Sao Paulo na sentro ng pinakamalalang tagtuyot na tumama sa timog silangan ng Brazil sa loob ng mahigit walong dekada. Pumapalo ang temperatura sa 90 degrees (32 Celsius).
Mahigit 10 milyong katao sa buong estado ng Sao Paulo, ang pinakamatao sa Brazil, ang napilitang magbawas ng kanilang tubig sa nakalipas na anim na buwan.
Sa tindi ng tagtuyot sa Itu, sinasamahan ng mga pulis ang mga truck ng tubig upang hindi ito harangin ng armadong kalalakihan. Naging bayolente ang protesta ng mga residenteng humihiling na magkaroon ng tubig sa mga gripo. Ang mga restaurant at bar ay gumagamit na ng mga disposable cups para makaiwas sa paghuhugas at bawal nang mamangka sa mga ilog na pinagkukunan ngayon ng tubig.