Maglalabas ng bagong postal ID ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) na ipinagmamalaki nito nang labis dahil maituturing na itong isa sa anim na ID na maaaring gamitin bilang valid identification at kikilalanin sa mga transaksiyon sa gobyerno.
Pinangunahan ni Postmaster General Josie dela Cruz ang paglulunsad ng bagong disenyo ng ID na yari sa plastic tulad ng ATM card at driver’s license.
Ayon sa tagapagsalita ng PHLPost na si Lhan Marasigan Cruz, madaling mapeke ang lumang postal ID dahil na rin sa dating disenyo nito na yari sa karton at dinidikitan lang ng litrato bago ipa-laminate, kaya maraming transaksyon ang hindi tumatanggap dito.
Ngunit magiging mahirap nang pekein ang bagong postal ID dahil na rin sa bagong multiple security features nito.
Maaari nang mag-apply ng bagong postal ID simula sa Nobyembre 10 sa mga lungsod ng Maynila at Makati.
Inaasahan namang magiging nationwide na ito sa Pebrero 2015.