Nakatakdang dumayo sa bansa ang ilan sa pinakamagagaling na chess player sa pinaplanong pagsasagawa ng dalawang international tournament ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa Disyembre.
Sinabi ni NCFP Executive Director Grandmaster Jayson Gonzales na ang kambal na torneo ay kabibilangan ng Philippine Cup International Chess Championships na gaganapin sa Disyembre 5 hangang 13 habang ang Puregold/PSC Chairman’s Cup International Chess Challenge sa Disyembre 14 hanggang 21.
“We want all our players to be sharp and in top condition kaya gusto ng NCFP na makalaban sila sa international tournament kung saan ay makakatapat nila ang iba’t ibang chess player sa ibang bansa at hindi lamang puro mga local ang kanilang nakakaharap,” sinabi ni Gonzales.
Ang twin tournament ay bilang kapalit sa pagkawala na rin ng larong chess sa ika-28 edisyon ng Southeast Asian Games SEA Games na gaganapin sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16 sa 2015.
Nakataya sa torneo na may basbas ng FIDE ang mga importanteng puntos na makapagbibigay ng Grandmaster Norms sa mga magwawagi sa torneo.
Matatandaan na ang Pilipinas ay nakapagbigay ng kabuuang 10 chess Grandmasters na binubuo nina Eugene Torre, Rogelio Antonio, Wesley So, Darwin Laylo, Jayson Gonzales, Bong Villamayor, Joseph Sanchez, Mark Paragua, at Nelson Mariano II.
Naghihintay na lamang si IM Ronald Dableo na makuha ang kanyang GM ranking matapos na mapasakamay ang kanyang ikatlong GM Norms at kailangan na iangat ang ELO rating sa 2500 puntos upang makamit na ang kanyang full GM status.