Pumayag na ang Armed Forces Of the Philippines (AFP) na ipatupad ang Suspension of Military Operations (SOMO) para mapalaya ang dalawang sundalo na bihag ng New People’s Army (NPA) sa Impasug-ong, Bukidnon.

Ito ay kasunod ng pagsang-ayon umano ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na maipatupad ang SOMO sa loob ng apat hanggang limang araw kapalit ng pagpapalaya kina PFC Marnel Cinches at PFC Jerrel Yorong.

Ikinatuwa ng mga bumubuo ng third party facilitators ang nasabing desisyon ng Department of National Defense (DND) para sa kaligtasan ng dalawang sundalong bihag ng NPA.

Inihayag ni Iglesia Filipina Independiente (IFI) Bishop Felixberto Calang na naghihintay na lang si Gazmin ng rekomendasyon mula sa local commander ng 4th ID Philippine Army kung kailan ipatutupad ang SOMO.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Sina Yorong at Cinches ay dinukot ng mga rebelde habang pabalik sa kanilang headquarters noong Agosto 22, 2014 sa Bukidnon.

Samantala, nagtipon naman sa lungsod ang IFI bishops mula sa Visayas at Mindanao upang ipagpatuloy ang

usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sinabi ni IFI Supreme Bishop Most Rev. Ephraim Fajutagana na ang pagkamit ng tunay na kapayapaan ay magbibigay ng kaunlaran hindi lamang sa taga- Mindanao kundi sa buong bansa.