Kayraming naghihirap at nagugutom na mga Pilipino. Batay sa survey ng Social Weather Station noong Setyembre 26-29, may 12.1 milyong mamamayan ang nagtuturing na sila ay mahirap samantalang 9.3 milyong pamilya ang nagsasabing sila ay walang makain. Sa privilege speech naman ni Sen. Grace Poe, ibinunyag niya na may 15 milyong bata ang nananatiling gutom at dumaranas ng malnutrisyon. Nasaan ang itinutrumpetang economic growth ni Pangulong Noynoy Aquino at ng administrasyon?

Nanawagan ang anak ni Da King sa gobyerno at sa bawat Pinoy na kumilos at gumawa ng mga hakbang upang matuldukan ang pagkagutom. Kailangan ding kulitin ang matataas na lider ng bansa at mga pulitiko na katkatin ang kanilang “makakapal na pagmumukha at kawalang-budhi” sa paghihirap ng mga mamamayan. Hindi raw dapat paniwalaan ang papuri at palakpak ng mga international rating agency na patuloy sa pagsulong ang ekonomiya ng Pilipinas dahil hindi naman ito natatamasa ng taumbayan.

Ipinaaabot ko ang aming pakikiramay sa pamilya ni Atty. Manuel F. “Maning” Almario na yumao kamakailan sa edad na 84. Si Maning na lagi kong kasama noon sa mga news forum ay dating editor ng Philippine Graphics Magazine at ng Philippine News Agency. Ang abo ni Maning ay isinabog sa likod ng National Press Club na malimit niyang puntahan noon. Ang likuran ay bahagi ng Pasig River na ayon sa isang peryodista ay nakakatuwaang languyin at tawirin nina Maning at yumaong Olaf Giron at mga kasama na nakainom na at “nagpapayabangan” bilang katuwaan.

Madalas purihin ni Maning ang mga tula kong nalalathala sa Liwayway nagazine. Higit daw na malaman, maganda at tumatalakay sa mga isyung panlipunan ang aking mga obra. Ewan ko kung ito ay isang flattery kung kaya tinatanong ko kung naiintindihan niya ang mga mensahe at sustansiya ng aking mga tula dahil si Maning ay isang English writer. Mas gusto pa raw niya ang mga tula ko kesa sa isang national artist.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina