NAKATANGGAP ang inyong lingkod ng balita na nagsasaad ng paglilinaw sa bagong isyu tungkol kay Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Inamin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na walang pera ang JLN Corporation na pumasok sa anumang bank account ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr.
Sa cross examination ng defense council na si Atty. Joel Bodegon sa pagpapatuloy ng bail hearing ni Sen. Revilla sa Sandiganbayan, kinumpirma ng AMLC bank investigator na si Atty. Leigh Von Santos na wala silang nakitang anumang pondong nagmula sa korporasyon ni Janet Lim Napoles na pumasok sa kahit anong bank account ng mambabatas.
Sinabi ni Santos na tanging mga NGO lamang ang nakita ng AMLC na tumanggap ng pondo mula sa JLN na lalong nagpahina sa alegasyon ni Benhur Luy laban sa senador.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kasiyahan si Revilla sa kinalabasan ng pagdinig sa kanyang paghingi ng piyansa sa kasong plunder na kanyang kinakaharap.
Ayon sa senador, malakas ang kanyang kompiyansa na lilitaw din ang katotohanan, na ang lahat ng alegasyon laban sa kanya ay walang basehan.
Sa naunang pagdinig, pinatunayan ni Revilla na lehitimo ang pinagmulan ng P87 milyon na sinasabi ng AMLC na unexplained wealth.
Tahasang sinabi ni Revilla na ang lahat ng pera na nakita ng AMLC na inilabas at ipinasok sa kanilang bank account ay nagmula sa mga kinita niya sa pelikula, product endorsement at television shows na pawang may kaakibat na resibo at binayaran ng tamang buwis.
Ilang mahalagang pointers ang idinagdag ng ulat:
Ang AMLC ay hindi sumunod sa utos ng Ombudsman na tingnan ang katotohanan sa accounts ni Atty. Richard Cambe at Sen. Bong Revilla, maliban sa pagpapatibay lamang sa mga haka-haka at conclusion sa mga unang kasinungalingang sinabi ni Benjur Luy sa kanyang salaysay at business ledger.
Inamin ng AMLC na walang nakuha o natanggap na pera si Cambe at si Sen. Bong mula sa JLN Corp o kay Napoles.
Lahat ng sinabi ni Atty. Leigh Vhon Santos ng AMLC ay ibinase sa ledger, affidavit at matrix ni Benjur Luy na hindi naman totoo.
Inamin din ng AMLC witness na wala silang alam at di rin nila tinanong si Nemesio Pablo at Joseline Piorato sa mga sinabi ni Benjur Luy. Kahit na alam ng lahat na si Nemesio Pablo ay nasa Australia at wala sa Pilipinas para i-confirm ang mga withdrawal ng pera ng kanyang NGO.
Inamin din ng AMLC witness na hindi niya alam na si Benhur Luy ay nasa abroad na nag-tour sa Europa sa mga araw na nagbigay daw ng pera kay Cambe at hindi rin niya alam na pati si Cambe ay nasa abroad din sa araw na nagbigay na naman daw siya ulit kay Cambe.
Mismong AMLC ang umamin na walang aliases na ginamit si Sen. Bong at kanyang pamilya, kaya walang intension si Sen. Bong na magtago ng transaksiyon sa kanyang accounts.
Ipinangangalandakan ng AMLC sa hearing na meron daw multiple accounts si Sen. Bong, senyales na may money laundering na. Pero lumabas na wala naman palang nilabag na batas kahit sangkatutak pa ang accounts niya. Wala ring nilabag na batas si Sen. Bong kahit isarado niya ang ilan niyang accounts.
Si Atty. Gigi five days lang daw hinalukay ang bank accounts. Pero, si Sen. Bong, 30 days ang ginawang panuntunan kasi gusto nila talaga ibaon. Pero wala rin silang napala.