Isang respetadong pagtatapos ang iuuwi ngayon ng Philippine Under 17 volleyball team matapos na itala nito hindi lamang ang pinakamataas na pagtatapos sa 10th Asian Youth Girls Volleyball Championship noong Linggo sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Magbabalik bansa ang delegasyon ng Pilipinas na bitbit ang pinakamataas nitong nakamit na ikapitong puwestong pagtatapos sa 13 bansang internasyonal na torneo gayundin ang hindi mapapantayan na respeto at pagkilala ng nakalaban nitong mga bansa simula noong Oktubre 11 hanggang 19.
Huling pinataob ng PHI Youth team sa ikalawang pakikipaghaharap sa loob ng tatlong set ang New Zealand, 25–21, 25–15 at 25–22 upang selyuhan ang pangkalahatang ikapitong puwesto na siyang pinakamagandang pagtatapos ng ipinadalang koponan ng Philippine Volleyball Federation (PVF).
“Saludo ako sa Girls team natin,” sabi ni PVF president Geoffrey Karl Chan. “They did not only give us our best finish ever in the tournament but they also won the respect and recognition of our rival nations and the coaches especially that of our neighboring country Thailand,” sabi pa ni Chan.
Hindi napigilan ng mga Kiwis ang determinadong paglalaro ng PHI Girls team na sinuportahan ng SM at Shakey’s upang ulitin nito ang unang itinala na na 25-11, 21-25, 25-5 at 25-14 pagwawagi sa unang paghaharap sa Pool E noong Oktubre 15.
Iuuwi din ng pambansang koponan na giniyahan ni national coach Jerry Yee ang pinakamagandang kartada ng bansa sa torneo sa itinalang impresibong apat na panalo na pinakaproduktibo nitong kampanya sa anim na beses na paglahok ng bansa sa kada dalawang taong torneo.
Tanging naitalang panalo ng PHI Under 17 ay isang panalo lamang kontra sa Sri Lanka noong 2008 matapos hindi sumali sa nakaraang dalawang edisyon ng torneo noong 2012 sa China at 2010 sa Malaysia. Hindi din ito sumali noong 2007 at 2001 na parehong isinagawa sa Thailand.
Pumangwalo naman ito sa 1-7 win-loss record sa ginanap na edisyon noong 2008 sa PhilSports Arena sa Pasig sa 25-13, 25-21, 25-12 preliminary win sa Sri Lanka.
Nangulelat naman ito noong 1997 sa Thailand matapos walang naipanalo sa pitong laro, noong 1999 sa Singapore sa 0-5 kartada, noong 2003 sa Thailand sa 0-7 at ikawalo sa siyam na ginanap sa Mandaue City, Cebu noong 2005 sa 0-6 panalo-talong kartada.
Ang koponan ay binubuo nina 5-foot-8 setter Ejiya Laure, anak ni PBA player Eddie Laure, Ezra Gyra Barroga, Rica Diolan, Justine Dorog, Christine Dianne Francisco, Maristella Genn Layug, Kristine Magallanes, Nicole Anne Magsarile, Ma. Lina Isabel Molde, Jasmine Nabor, Faith Janine Shirley Nisperos, Roselyn Rosier, Alyssa Maria Teope at Caitlin Viray.
Ang team officials ay sina head coach Jerry Yee, assistant coach 1 Raymund Castillo, assistant coach 2 Emilio Reyes, Jr, assistant coach 3/conditioning coach Rafael Magno, international referee candidate Joselyn del Rosario, team manager Engr. Mariano See Diet at head of delegation PVF president Geoffrey Karl Chan.