ANG ika-14 taon ng Philippine-British Friendship Day ngayong Oktubre 20 ay isang milyahe sa tumatagal na magiliw na pagkakaibigan at ugnayan ng naturang dalawang bansa, na pinatibay ng kooperasyon sa kasaysayan, kultura, at ekonomiya sa maraming larangan. Una itong ipinagdiwang noong Disyembre 7, 2000, bilang pagtalima sa Presidential Proclamation 381, gayong ang diplomatikong relasyon sa United Kingdom (UK) ay nagsimula pa noong 1946. Inilipat ang selebrasyon sa Oktubre 20, alinsunod sa Proclamation 1592, upang sumabay sa petsa ng inagurasyon ng bagong tanggapan ng British Embassy sa Taguig City.

Ang magiliw na pakikipag-ugnayan ng Britain ay nakabase sa tiwala at pinagsasaluhang kaugalian ng Pilipinas at mga mamamayan nito. Magkaagapay ang dalawang bansa sa mga pagsisikap sa kaunlaran, sa kooperasyon sa sining at kultura, peace process, human rights protection, disaster planning, at pagsawata ng mga krimeng pang-internasyunal, na pinakikilos ng British Embassy sa Manila.

Tinatamasa ng dalawang bansa ang masiglang ugnayan sa kalakalan, investment, at turismo. Pinakamalaki ang British commercial investment mula sa European Union, na may $860 milyon sa bilateral trade noong 2013. Sa mga miyembro ng EU, ang Britain ang ikaapat na destinasyon para sa mga produkto ng Pilipinas.

Sumigla ang turismo sa pagpapanumbalik ng direct flights sa London ng dalawag flag carrier ng Pilipinas – ang Philippine Airlines at Cebu Pacific. Ang UK ang isa sa top 10 na bansa na may pinakamaraming tourist arrival sa Pilipinas. Sa people-to-people exchanges, lalo na sa edukasyon, nagbibigay ito ng oportunidad sa mga Pilipino na isulong ang kanilang edukasyon sa UK sa pamamagitan ng mga scholarship grant. Maraming scholar na Pilipino ang nagtutuloy ng postgraduate programs sa mga unibersidad sa Britain. Ang Britain ang isa sa mga unang bansa na rumesponde pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Yolanda na tumama sa Visayas noong 2013.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Mahigit 250,000 Pilipino ang nasa Britain, karamihan ay nagtatrabaho sa healthcare sector, at 15,000 British subject naman ang nasa Pilipinas, karamihan ay mga expatriate at nagretiro, ayon sa datos ng gobyerno. Nagpapatuloy silang kaagapay sa pananatili ng demokrasya, open trade, at mapayapang resolusyon ng mga hidwaan, at ilang suliranin tulad ng pagtataguyod ng gender equality at pagtugon sa global warming. Ang Philippine Embassy sa London ay nagdiriwang ng Philippine-British Friendship Day na may mga aktibidad na nagtatampok ng mga talento at malikhaing kontribusyon ng mga Pilipino sa lipunang British.

Ang relasyon ng mga Pilipino at British ay nagsimula noong pang ika-16 na siglo nang simulan ng mga European ang kanilang eksplorasyon sa Southeast Asia. Karamihan sa mga impluwensiya ng Britain ay nasa Panay Island kung saan naitatag ang industriya ng asukal. Maraming British ang umanib sa Rebolusyon ng Pilipinas nang sumiklab ito noong 1896.