UNITED NATIONS (AP) – Mahigit 1.2 bilyong katao sa mundo ang nabubuhay sa $1.25 o P56.05 kada araw at 2.4 bilyon ang pinipilit makaraos sa maghapon sa gastusing hindi pa umabot sa $2 o P89.68 bawat araw, ayon kay United Nations (U.N.) Secretary-General Ban Ki-moon.
Sinabi niya kamakailan sa paggunita sa International Day for the Eradication of Poverty na may 700 milyong katao ang naiahon sa paghihikahos sa pagitan ng 1990 at 2010 at determinado siyang magpursige ang U.N. para gawing “history” na lang ang kahirapan sa mundo.
Simula nang maranasan ang krisis pinansiyal noong 2008, ayon kay Ban, ay lumala pa ang inequality at nananatiling isang “blatant injustice” ang deskriminasyon laban sa kababaihan.
Nagbabala siya na ang “entrenched poverty and prejudice and vast gulfs between wealth and destitution, can undermine the fabric of societies and lead to instability.”
Tinukoy ng U.N. chief ang Ebola crisis sa West Africa, sinabing hindi lamang kalusugan ang namemeligro sa Ebola kundi maging ang pagsulong ng ekonomiya at ang mga pagsisikap para matuldukan na ang kahirapan sa tatlong bansang sinasalanta ng Ebola outbreak, ang Liberia, Sierra Leone at Guinea.
Isinabay sa paggunita ng International Day for the Eradication of Poverty ang paglalabas ng U.N. report ng mga pandaigdigang eksperto tungkol sa pagpopondo sa sustainable development na tumukoy sa mga pananaliksik mula sa Brookings Institution, na nagsabing nasa $66 billion ang kinakailangan taun-taon upang maitaas ang kita ng pinakamahihirap sa mundo sa $1.25 kada araw.
Sinabi pa ng mga eksperto na trilyun-trilyong dolyar ang kinakailangan upang gastusan ang pangangalaga sa kalikasan.
Ang taunang global savings na $22 trillion ay sapat na para sa pagtiyak sa renewable energy at pagsusulong ng mga hakbangin upang maibsan ang matitinding epekto ng climate change, ayon sa mga eksperto.