Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga bagay tungkol sa ating mga mata.
- Unang natutuklasan ang diabetes sa eye exam. - Ang mga taong may type 2 diabetes (ang type na nade-develop kapag tumatanda na ang tao) ay madalas walang nararamdamang sintomas, ibig sabihin, hindi nila alam na taglay nila ito. Ang type 2 diabetes ay karaniwang natutuklasan sa isang eye exam sapagkat nakikita rito ang malilinggit na pagdurugo ng mga ugat sa likuran ng mata. Ito ay isang mainam na dahilan upang magpa-eye exam nang regular.
- Utak ang tunay na nakakikita. - Tungkulin ng ating mga mata ang kumulekta ng lahat na kinakailangang impormasyon tungkol sa bagay na ating tinitingnan. Ipinapasa ang impormasyon na ito ng ating mga mata sa ating utak sa pamamagitan ng optic nerve. Ang utak (visual cortex) ang nagpo-proseso ng impormasyon kung kaya ‘nakikita’ natin ang bagay na ating tinitingnan.
- Nakakikita pa rin kahit may blind spots. - May ilang eye conditions tulad ng Glaucoma at ilang problema sa kalusugan tulad ng pagkakaroon ng stroke, ay maaaring magdulot ng blind spots sa ating paningin. Maaaring lumala ang blind spots at mabuti na lamang may abilidad ang ating utak at mata na alisin ang blind spots na ito at nagagawa ito sa pamamagitan ng pagwaksi ng utak sa blind spot at hayaan ang kabilang mata na “magpuno” ng mga puwang. Ito ang dahilan kung bakit ang ating mga mata ay mahusay na miyembro ng ating mga pandama.
- Kusang lumuluha ang mata kapag natutuyo. - Ito ay kakaibang katangian ng ating mga mata. Ang luha ay binubuo ng tatlong magkakaibang bahagi, at ito ay tubig, mucus, at fat. Kapag ang tatlong bahaging ito ay hindi tugma sa tamang dami, maaaring matuyo ang mata. Tumutugon ang utak sa pagkatuyong ito sa pamamagitan ang paglalagay ng dagdag na tubig; kaya lumuluha kapag natutuyo ang mata.